Magbabahagi ng pabuyang aabot sa ₱50,000 ang Animal Kingdom Foundation (AKF) sa makapagbibigay ng impormasyon patungkol sa meat vendor na pumatay sa isang aspin sa Caloocan City kamakailan.
Kaugnay ito sa napaulat na asong nasawi matapos tagain dahil sa pagtangay umano nito ng kapirasong karne sa tindahan.
MAKI-BALITA: Aspin, patay sa taga matapos magtangay ng panindang karne-Balita
“Sa isang iglap, gutom ang naging sentensiya niya. Isang kutsilyo kapalit ng kaunting makakain. Isang asong sinaktan sa Caloocan,” panimula ng AKF sa ibinaba nilang anunsiyo sa kanilang social media post noong Huwebes, Enero 22.
Dagdag pa nila, “50K Reward para sa impormasyong magtuturo sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng taong sumaksak sa aso sa Caloocan.”
Mariin ding kinondena ng organisasyon ang karahasan ng ilang mga indibidwal laban sa mga hayop.
“Kung ligaw at gutom—tulungan, huwag saktan. Hindi krimen ang magutom. Krimen ang karahasan laban sa hayop,” anila.
“Mariing kinokondena ng Animal Kingdom Foundation ang karahasang ito. Hindi krimen ang magutom. Ang krimen ay ang paglabag sa Animal Welfare Act (RA 8485 at RA 10631.)
Photo courtesy: Animal Kingdom Foundation/FB
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pa ring impormasyong lumulutang kaugnay sa meat vendor na pumaslang sa aspin.
Vincent Gutierrez/BALITA