Nailigtas ng mga awtoridad ang dalawang sanggol matapos silang subukang ialok at ibenta mismo ng kanilang mga ina sa halagang ₱25,000 at ₱75,000.
Sa ulat na ibinahagi ng Philippine National Police - Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) nitong Biyernes, Enero 23, na-rescue ang mga naturang sanggol sa magkahiwalay na entrapment at back-to-back anti-trafficking operations na ikinasa ng mga awtoridad sa Quezon City at Batangas kamakailan.
Ayon sa mga ulat, ang una ay isang tatlong buwang gulang na sanggol mula sa Batangas, na anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) at ng isang Chinese-Vietnamese.
Inialok daw ng ina ang kaniyang sanggol sa halagang ₱75,000 dahil hindi umano nagsusustento ang dayuhan nitong ama.
Ang ikalawa namang sanggol ay nasa edad isang taong gulang mula sa Quezon City, na napag-alamang ibinebenta rin ng sariling ina sa halagang ₱25,000.
Pagdadahilan niya, hindi niya na raw kaya pang alagaan ang bata.
Giit ng PNP-WCPC, ang mabilis nilang aksyon ay marka at tanda ng kanilang “commitment” upang mas paigtingin pa ang proteksyon para sa mga kabataan.
Ito rin daw ay paghikayat sa publiko na iulat sa mga awtoridad ang masasaksihang kaso ng child trafficking, illegal adoption, at online exploitation.
Samantala, kamakailan na-rescue rin sa Pasig City ang isang batang may edad 1-anyos matapos umanong tangkaing ibenta ng sariling ina sa halagang ₱8,000.
MAKI-BALITA: Presyong ₱8k lang! Nanay, arestado sa pagbebenta ng sariling baby-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
2 sanggol, nasagip matapos tangkaing ibenta ng mga ermat sa halagang ₱25k, ₱75k
Photo courtesy: PNP-WCPC