Timbog sa ikinasang law enforcement operation ng mga awtoridad noong Martes, Enero 20, bandang 2:00 ng hapon, ang dalawang indibidwal matapos maaktuhang nagbebenta ng hinihinalang ilegal na sigarilyo sa Brgy. Estefania, Bacolod City, Negros Occidental.
Sa inilatag na ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes, Enero 23, walang “graphic health warnings” at BIR stamps ang mga naturang sigarilyo, na nasamsam ng CIDG Negros Occidental Provincial Field Unit, Special Operations Team (SOT) ng CIDG Negros Island Region (NIR) Regional Field Unit at territorial police units mula sa dalawang lalaki na may edad 32 at 38 taong gulang.
Ayon sa mga rumespondeng operatiba, aabot sa humigit-kumulang ₱1.8 milyon ang halaga ng mga nasabat na sigarilyo.
Posible silang humarap sa mga reklamo matapos nilang labagin ang Republic Act (RA) 10643 o “Graphic Health Warning Law,” at RA 8424 o “Tax Reform Act of 1997.”
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: CIDG