January 25, 2026

Home BALITA National

Zaldy Co daming pera, kasama na buong pamilya sa Portugal—SILG Remulla

Zaldy Co daming pera, kasama na buong pamilya sa Portugal—SILG Remulla
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na kasalukuyang nasa Portugal sa Europa si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at kasama na umano ang kaniyang pamilya. 

Ayon kay Remulla, sa panayam sa kaniya ng DZBB Super Radyo nitong Huwebes, Enero 22, sinabi niyang sigurado raw silang nasa isang gated community si Co sa Lisbon, Portugal. 

“Nasa Portugal siya. We’re pretty certain nasa Lisbon siya [na] isang gated community,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Halos hindi lumalabas ng bahay [si Co]. Meron kaming operatives na tumitingin, sinu-surveillance siya pero halos hindi lumalabas ng bahay, e, nandoon lang sa loob. Hindi kasi makakapasok doon sa gated community na ‘yon.” 

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

Ani Remulla, susubukan daw nilang makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Portugal para maaresto si Co ngunit hindi iyon magiging madali dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa nasabing bansa. 

“Susubukan natin pero wala nga tayong extradition treaty. So, kahit anong subok natin, may red notice ganiyan kung walang extradition treaty, walang bisa ‘yong request natin,” aniya. 

Paninigurado naman ni Remulla, magsasagawa raw ng lahat ng kinakailangang pressure ang pamahalaan sa pera at mga ari-arian ni Co dito sa bansa upang tuluyan itong magipit sa legal na paraan. 

“The government will apply all the pressure [that is] necessary. Kasi ngayon, lahat ng assets niya [ay] malapit nang ma-ceased. Lahat ng pera niya rito, on-hold. Lahat ng properties, lahat ng negosyo niya, makukuha na ng gobyerno… In all legal ways. Hindi kami manggigipit ng hindi legal,” saad niya. 

Pagkukumpirma pa ni Remulla, hindi na raw nila mahahagilap ang pamilya ni Co sa Pilipinas dahil kasalukuyang naroon na rin ang mga ito sa Portugal. 

Nagawa pang tawagin ni Remulla si Co na “poor man with a lot of money” dahil hindi raw nito magawang makalabas ng kaniya bahay at mabili ang kaniyang kalayaan. 

“Wala sila dito, umalis na lahat. Lahat nandodoon na. Alam n’yo ang tawag sa kaniya… poor man with a lot of money. ‘Di ba, ang dami niyang pera pero ‘di niya mabili kalayaan niya, e,” ‘ika niya. 

‘Hindi siya makalabas ng bahay, hindi siya puwedeng pumunta sa doktor kasi lalabas siya ng bahay. Napakahirap ng buhay niya,” pagtatapos pa ni Remulla. 

MAKI-BALITA: 'Kung bribe, wag na!' Zaldy Co, gusto na raw makipag-dialogue sa gov't—SILG Remulla

MAKI-BALITA: DOJ, walang natanggap na feelers ni Zaldy Co sa hiling na makipagdayalogo?

Mc Vincent Mirabuna/Balita