Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na mababawasan o mawawala na ang pagbabaha sa Araneta, Quezon City, dahil sa madalian nilang pagsasaayos ng drainage rito bilang paghahanda sa darating na tag-ulan.
“Ito ‘yong isa sa mga pinakagrabeng nagbabaha, hindi lang sa Quezon City, [kung hindi] sa Metro Manila. Kinukwento ng mga kababayan natin, lagpas-tao dito, mahigit tatlong metro. Minsan nga pati bus lumulubog dito eh,” saad ni Dizon sa pagbisita at muli niyang pag-inspeksyon sa kahabaan ng G. Araneta nitong Huwebes, Enero 22.
Kaya aniya, layon nilang matapos ang pagbabago at pagsasaayos ng drainage system ng kalsada sa Pebrero ngayong taon.
“So, mayroon tayong iba-ibang ginawang intervention starting late last year [2025] hanggang ngayon. Ang unang pinakamalaki nating ginagawa [ay] itong pagbabago at pag-aayos ng drainage dito sa portion na ito ng Araneta Ave., bago umabot sa E. Rodriguez,” paliwanag ni Dizon.
“Malapit na tayong matapos. Ang estimate natin, mga end of February, tapos na tayo rito,” pagtitiyak ng kalihim.
Aniya pa, sinasamantala ng ahensya na tinotodo na nila ang mga pagsasaayos na ito bago ang Hunyo, na kadalasa’y panahon ng tag-ulan sa bansa.
“So, tine-take advantage natin ‘yong hindi umuulan. Kailangan lahat ‘to talagang itotodo natin bago mag-June para kahit papaano, maiibsan natin ‘yong pagbaha dito,” saad pa ni Dizon.
Sean Antonio/BALITA