Nauwi umano sa trahedya ang kasiyahan sa isang perya sa Sta. Maria, Bulacan matapos magkaaberya at makalas ang isang bagon ng caterpillar ride bandang gabi ng Enero 21, 2026.
Batay sa ulat ng News5, bigla umanong bumilis ang takbo ng caterpillar ride bago nakalas ang isa sa mga bagon nito. Dahil dito, tumilapon ang mga sakay ng ride, kabilang ang isang mag-ina.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng perya at mga barangay tanod sa lugar. Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang babaeng biktima dahil sa tinamong mga pinsala, habang nagtamo naman ng sugat ang bata na kasalukuyang nasa ilalim ng medical observation.
Tinitingnan pa umano ng mga awtoridad kung may pagkukulang sa maintenance, kaligtasan, o operasyon ng nasabing ride. Wala namang napaulat na namatay.