Nakiusap ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa fresh graduates at kabataan na maging parte ng laban kontra-korapsyon, sa kanilang kauna-unahang Campus Job Fair, noong Miyerkules, Enero 21.
“This is a golden opportunity, everyone, for you, young engineers, to come and be part of the solution. We need more people to join us and try to solve all of these problems,” panawagan ni DPWH Sec. Vince Dizon sa fresh graduates ng Mapúa University.
“We need to remove the rotten eggs, and we need to bring in fresh blood. We need to bring in the fresh and dynamic,” aniya pa.
Sa hiwalay na pahayag ni Dizon sa media, inamin niya na kinabahan siya noong una dahil inakala niyang walang estudyante ang magiging interesado na pumasok sa DPWH dahil sa mga isyu na kinahaharap nito.
“I know that a lot of you, when you think of DPWH, ‘mapapahamak lang ako diyan. Baka mahawa pa ko sa mga corrupt, sa mga magnanakaw diyan.’ You know, if we don’t do something about it, wala nang mangyayari. Forever nang mauulit ‘yong mga nakikita niyong mga bridge 10 years di matapos-tapos, ‘yong Maharlika, hindi na maaayos ‘yan forever. But now’s the time,” saad ni Dizon.
Pagsegunda naman ni Public Works OIC-Undersecretary Lara Marisse Esquibil, responsibilidad na ng kasalukuyang henerasyon na maging udyok ng pagbabago at pag-angat ng imprastraktura ng bansa.
“Kung kayo ay mga taong buong-buo ang puso para sa serbisyo, para sa bansa, talagang ay goal n’yo ay i-angat ang imprastraktura ng Pilipinas, samahan n’yo kami, tulungan n’yo kami. Ito na, responsibilidad na ng henerasyon natin ‘to. Sinabi na ‘to ni Sec. Vince, let’s do this, it is our turn, let’s turn this page. Please join us,” saad ni Esquibil.
Ang nasabing job fair sa pamantasan ay dinaluhan ng higit 300 student applicants, na lubos ikinatuwa ni Dizon, dahil ipinakikita nito na may pag-asa pang mabago ang ahensya sa tulong ng kabataang Pinoy.
Base sa iba pang ulat sa media, pinaplano ng DPWH na sunod bisitahin ang University of Santo Tomas (UST) para sa susunod nilang nationwide job caravan.
Matatandaan na unang inanunsyo ni Dizon ang pagbubukas ng higit 2,000 posisyon sa DPWH noong Oktubre dahil sa naging malawakang pagtanggal at pagpapatawag ng courtesy resignation sa ilang empleyado at opisyal sa mga nagdaang buwan.
MAKI-BALITA: ‘Baka ikaw na ang hanap!’ Higit 2,000 posisyon sa DPWH, bukas sa mga aplikante
Sean Antonio/BALITA