Hinuli ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) sa isang condominum sa Quezon City ang isang 21-anyos na Russian vlogger matapos magdulot ng “HIV scare.”
Ayon sa BI nitong Huwebes, Enero 22, kinilala ang vlogger na si Nikita Chekhov.
Base pa sa inilatag nilang mga impormasyon, nag-viral sa social media si Chekhov dahil sa pagbabanta niya na siya ay magpapakalat umano ng Human immunodeficiency virus (HIV) habang siya ay nananatili sa bansa.
Ayon kay BI commissioner Joel Anthony Viado, ang mga ganitong uri ng gawi ay maaaring makapagdala ng takot at pangamba sa publiko.
“These so-called rage-bait videos irresponsibly cause fear and panic among the public,” ani Viado.
“Foreign nationals who come to the Philippines to spread alarm, disrespect our people, or abuse our hospitality are not welcome and will face deportation,” dagdag pa niya.
Dahil dito, dinala si Chekhov sa detention facility ng BI, gaya ng parating ginagawa ng ahensya sa mga dayuhang gumagawa ng hindi kaaya-ayang mga gawain habang sila ay nasa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan na rin umano si Viado sa Department of Health (DOH) kaugnay sa naganap na insidente.
Matatandaang napaulat naman ang deportation ni Vitaly Zdorovetskiy, na isa ring russian vlogger, matapos itong makulong dahil sa pangha-harass.
“After 290 days in the [Philippines] jail with rats, cockroaches, and +35 Celsius weather, I am finally free. They really tried to break me but it built me,” saad ni Vitaly sa kaniyang social media post.
KAUGNAY NA BALITA: Vitaly Zdorovetskiy, balik socmed matapos makalaya; pinutakti ng mga ipis at daga sa kulungan-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
Russian vlogger na 'magpapakalat ng HIV' sa Pinas, arestado!
Photo courtesy: BI