Natuklasan ng ilang archeologists na ang mga handprint na naka-stencil sa mga limestone cave sa isla ng Muna sa Indonesia ay maaaring may edad na hanggang 67,800 taon, na itinuturing na pinakamatandang cave painting na kilala sa buong mundo.
Ayon sa mga siyentipiko, ang mga guhit ay ginawa sa pamamagitan ng pagbuga ng pigment sa ibabaw ng kamay na idinikit sa pader ng kuweba, na nag-iwan ng malinaw na outline ng kamay.
Ang pag-aaral ay isinagawa ng mga mananaliksik mula Indonesia at Australia at inilabas noong Miyerkules, Enero 21, 2026.
Ayon sa mga ulat, sinabi ni archaeologist Adhi Agus Oktaviana ng National Research and Innovation Agency (BRIN) ng Indonesia na mula pa noong 2015 ay hinahanap na niya ang mga hand stencil sa rehiyon ng isla ng Muna sa lalawigan ng Sulawesi.
Natagpuan ni Adhi ang mga hand stencil sa ilalim ng isang kuweba, kabilang ang imahe ng isang taong nakasakay sa kabayo na may kasamang manok.
Ayon kay Adhi, una ay nahirapan siyang patunayan sa kaniyang mga kasamang mananaliksik na mga kamay nga ang mga stencil.
Ilan sa mga dulo ng mga daliri ay sinadyang baguhin upang magmukhang mas matulis.
“The oldest hand stencil described here is distinctive because it belongs to a style found only in Sulawesi,” ayon kay Maxime Aubert, isang espesyalista sa archaeological science mula sa Griffith University sa Australia na tumulong sa pangunguna ng pag-aaral na inilathala sa journal na Nature.
“The tips of the fingers were carefully reshaped to make them appear pointed,” dagdag pa ni Aubert.
Ayon naman kay Adam Brumm, co-author ng pag-aaral at isa ring arkeologo sa Griffith University, tila may layunin ang mga sinaunang tao na gawing ibang anyo ang mga larawan ng kamay.
“It was almost as if they were deliberately trying to transform this image of a human hand into something else – an animal claw perhaps,” pahayag ni Brumm.
Dagdag pa niya, “Clearly, they had some deeper cultural meaning, but we don’t know what that was. I suspect it was something to do with these ancient peoples’ complex symbolic relationship with the animal world.”
Sinabi ni Aubert na ang “very precise” na technique na ginamit sa paggawa ng mga hand stencil ang nagbigay sa mga siyentipiko ng malinaw na minimum age ng mga painting.
Natukoy rin ng mga mananaliksik na matagal at paulit-ulit na ginamit ang mga kuweba sa Muna para sa rock art, at may ilang sinaunang likhang-sining na pinatungan pa ng mas bagong painting makalipas ang humigit-kumulang 35,000 taon, ayon kay Aubert.
Ang bagong tuklas na ito ay mahigit 15,000 taon na mas matanda kaysa sa naunang mga likhang-sining na natuklasan ng parehong grupo sa rehiyon ng Sulawesi noong 2024.