Inanunsyo ng Malacañang ang pagpapalipas ng gabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pagsailalim sa medical observation sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos umano nitong makaranas ng “discomfort" noong Enero 21, 2026.
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Huwebes, Enero 22, kinumpirma niya ang naturang nangyari sa Pangulo.
“We have an official statement. The President spent the night under medical observation as a precautionary measure after experiencing discomfort,” pagsisimula niya.
Ani Castro, stable naman na raw ang kalagayan ng Pangulo at pinayuhan ito ng mga doktor na magpahinga.
“His doctors advised rest and monitoring, and his condition remains stable,” aniya.
Pagpapatuloy pa ni Castro, patuloy raw na ginagampanan ni PBBM ang responsibilidad niya bilang Pangulo at nakauwi na sa Palasyo nito ring Huwebes.
“The President continued to carry out his responsibilities while under medical observation and has returned to Malacañang,” pagtatapos pa niya.
Ayon pa kay Castro, hindi na rin daw nabanggit ng Pangulo kung anong partikular na “discomfort” ang naranasan nito ngunit tiniyak din niyang nasa maayos na itong kalagayan at may pagpupulong na dadaluhan nito ring araw ng Huwebes.
“Hindi po sa atin nabanggit kung ano ang partikular na discomfort ang kaniyang naranasan. But ang importante po rito at dapat nating ipaalam sa ating mga kababayan na siya po ngayon ay muling nagtatrabaho at nasa Malacañang, at mamayang hapon po ay magkakaroon ng pa po siya ng pribadong meeting,” paliwanag niya.
Nilinaw rin ni Castro na hindi raw niya personal na nakita ang Pangulo nang sumailalim ito sa medical observation.
“Sa ngayon po, hindi ko po personal na nakita ang ating Pangulo,” ‘ika niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na opisyal na pahayag si PBBM kaugnay sa nangyari.
Mc Vincent Mirabuna/Balita