January 24, 2026

Home BALITA National

PBBM, ayaw umabot sa ₱60 palitan ng piso kontra dolyar

PBBM, ayaw umabot sa ₱60 palitan ng piso kontra dolyar
Photo courtesy: PCO, Unsplash


Hindi raw gusto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pumalo sa ₱60 ang palitan sa pagitan ng piso at dolyar.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Enero 22, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na sa tingin daw ng Pangulo, hindi maganda ang magiging epekto nito. 

“Ayaw po sana, ayaw po ng Pangulo na umabot pa ito sa ₱60 na palitan,” saad ni Castro.

Giit pa niya, “Sa tingin po ng Pangulo, hindi po magiging maganda na tumaas pa ang palitan[g] hindi papabor sa peso.”

“Kapag tumaas po kasi ng ₱60, bumaba ‘yong value ng peso, definitely, mag-iincrease ‘yong debt natin because ‘yong palitan po e tataas po ‘yon,” dagdag pa niya.

Inisa-isa rin ng press officer ang highlights ng dinaluhang pagpupulong ni PBBM kasama si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr.

“Sa usapin ng pamilihang pinansyal, ang paghina ng piso ay dulot ng kakulangan sa balanse ng kalakalan at pananalapi. Hindi lamang ito nararanasan ng Pilipinas sapagkat maging ang ibang bansa sa Asya ay may katulad na kalagayan—nakakaranas din ng paghina ng kanilang mga pera noong 2025,” aniya.

Dagdag pa niya, “Ipinakikita rin nito ang pangkalahatang pag-igting ng US Dollar, at ang inaasahang pagkaantala sa pagbaba ng interest rates ng US Federal Reserve.”

Matatandaang kamakailan, tila isinisi ng Palasyo sa iba’t ibang isyu tulad ng bakbakang US-Venezuela at paglakas ng halaga ng dolyar ang paglagpak ng halaga ng piso.

“Ang [pagbaba] ng piso kontra dolyar kamakailan ay dulot ng mga pandaigdigan at lokal na mga kaganapan. Una na [r]ito ang paglakas ng dolyar. Nariyan din ang espekulasyon kung magbababa ng interest rate ang US Federal Reserve, tensyon sa pagitan ng US at Venezuela, gayundin ang pagbabantay ng ating merkado sa pagkilos ng ating ekonomiya,” paliwanag ni Castro.

MAKI-BALITA: Palasyo, sinisi paglagpak ng halaga ng piso sa paglakas ng dolyar, bakbakang US-Venezuela atbp.-Balita

Sa huling tala ng Bankers Association of the Philippines (BAP), umabot na sa ₱59.261 ang palitan ng piso kontra dolyar noong Miyerkules, Enero 21.

Vincent Gutierrez/BALITA