January 24, 2026

Home BALITA National

Para malaman katotohanan! Gobyerno, open makipag-usap kay Zaldy Co

Para malaman katotohanan! Gobyerno, open makipag-usap kay Zaldy Co
Photo courtesy: Screenshot from RTVM/Zaldy Co (FB)

Nagbigay ng sagot si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro tungkol sa naging pagbabahagi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, na may "feelers" na raw na makipagdiyalogo sa pamahalaan ang pinaghahanap na si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ayon sa panayam kay Remulla noong Miyerkules, Enero 21, ipinaabot umano ni Co ang mensahe sa pamamagitan ng ilang paring kakilala nito na nagsilbing tagapamagitan patungo sa Office of the Ombudsman.

Gayunman, nilinaw niyang hindi pa kumpirmado ang naturang impormasyon.

"Meron na siyang feelers na through sa mga ibang pari na kilala niya… parang nagpapa-connect na gusto ng dialogue sa amin. Pero of course, that’s not verified. Parang nagsabi pa lang. Sinabi ng sinabi ng kaibigan na pinaparating. We take them seriously. ‘Yong gustong makipag-dialogue, kakausapin namin ‘yan."

National

Grok, hindi na aalisin sa Pinas—DICT

Pero hirit pa ng DILG chief, "Pero kung bribe, 'wag na!"

Sa press briefing ng Palasyo nitong Huwebes, Enero 22, natanong si Castro kung handa ba ang pamahalaan na makipagdiyalogo kay Co.

"Sa ating pagkakarinig, siya po ay nais makipag-ugnayan sa Ombudsman," ani Castro.

"At ang sabi din naman din po, even before ng Ombudsman na ang lahat ng proteksyon na kailangan niya ay ibibigay at kung ito po ay makakatulong para malaman natin ang katotohanan, ang gobyerno, ang pamahalaan ay open po para malaman kung ano ang kaniyang sasabihin," saad pa ni Castro.

Nilinaw rin ng Palace Press Officer na wala pang sinasabi si Co sa pagnanais niyang makausap nang personal si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

"Wala pa po naman siyang binibigay na suggestion na siya'y makikipagusap sa Pangulo o sa administrasyon." anang Castro.

Matatandaang inakusahan ni Co sina PBBM at pinsan niyang si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, na nagkaroon ng bilyong kickback sa maanomalyang flood control projects, at insertions sa national budget noong 2025.

Kaugnay na Balita: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget