Tahasang ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nagpapasikat lang umano ang Russian vlogger na naaresto ng operatiba ng Bureau of Immigration (BI).
Kaugnay ito sa inilabas na ulat ng BI nito ring Huwebes, Enero 22, kung saan isang Russian vlogger na nagngangalang Nikita Chekhov ang dinakip nila dahil sa Human immunodeficiency virus (HIV) scare.
MAKI-BALITA: Russian vlogger na 'magpapakalat ng HIV' sa Pinas, arestado!-Balita
Sa isinagawang press briefing ng kalihim nitong Huwebes, Enero 22, kinumpirma niya ring negatibo sa naturang sakit ang dayuhan.
“Nakikita n’yo naman na hindi lang sinasabi niyang pagkakalat niya ang kaniyang sakit na HIV, minumura pa ang lahat ng Pilipino,” saad ni Remulla.
Giit pa niya, “Ayan ang nakakapikon, [nandito] nga sila nagbabakasyon sila, nakikita natin na [‘yong] isa tinatawag tayong unggoy. [‘Yong] isa, gustong magkalat ng HIV.”
“Para sa kaalaman ng lahat, noong sa kaniyang pagkaaresto ay tinest po siya—negative po siya sa HIV, negative po sa lahat ng [Sexual Transmitted Disease] STD. In other words, nagpapasikat lang, ginagamit ang mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Tiniyak din ni Remulla sa publiko na tulad ng deported Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, makukulong din si Chekhov sa Pilipinas.
“Siya po ay icha-charge rin sa trial court… But safe to say, katulad ni Vitaly, makukulong din siya [r]ito sa Pilipinas,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Vitaly Zdorovetskiy, balik socmed matapos makalaya; pinutakti ng mga ipis at daga sa kulungan-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA