Ikinakasa na ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA) ang Travel Tour Expo 2026 ang layong mag-alok ng mga promo at diskuwento dahil umano sa mga ulat na mas mahal ang pagbiyahe sa loob ng Pilipinas kumpara sa pagpunta sa ibang bansa.
Isa sa mga pangunahing layunin ng expo ay tugunan ang paniniwala ng ilang Pilipino na mas mataas ang presyo ng mga hotel, tour package at airline tickets sa bansa kumpara sa mga karatig-bansang gaya ng Thailand at Vietnam.
Kinilala ng mga opisyal ng PTAA ang naturang persepsyon at sinabing nakikipag-usap na sila sa pamahalaan at naghahanda ng isang position paper hinggil sa usapin ng buwis.
“We are really lobbying with the Department of Tourism and Department of Finance also to help also travel agencies, resorts, and airlines to lower their taxes,” ayon kay Evangeline Manotok, past president at chairperson ng PTAA.
Dagdag pa ni Manotok, isusumite nila ang position paper sa Department of Tourism (DOT) na inaasahang makikipag-ugnayan naman sa Department of Finance (DOF). Ayon sa PTAA, ang mataas na buwis sa mga travel-related establishment ang isa sa mga dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng mga serbisyo sa turismo.
“If we pay less of our costs then of course, we will extend this to our consumers, our travelers,” dagdag pa niya.
Samantala sa hiwalay na pahayag, kinilala rin ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na may mga pagkakataong mas mataas ang presyo ng mga serbisyo sa turismo sa Pilipinas. Ayon sa kaniya, nakikipag-ugnayan na ang DOT sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matugunan ang isyu, na aniya’y konektado rin sa mataas na gastos sa kuryente, tubig at iba pang utilities.
“We have a very good working relationship with the Philippine Hotel Owners Association pati na rin po sa ating accredited tourism enterprises, but we recognize their operational challenges from electricity to water, waste management and the like,” pahayag ni Frasco.
Binanggit din ng kalihim na mas mahal din minsan ang pamasahe sa eroplano, kaya hinihikayat niya ang mga airline na palawakin pa ang kanilang fleet upang makapagsakay ng mas maraming pasahero at posibleng makababa ang presyo ng tiket.
Sa kabila ng mas mataas na gastusin, ibinahagi ni Frasco na nananatiling matatag ang domestic tourism ng Pilipinas, na may 134 milyong domestic trips na naitala noong 2025.
Samantala, sinabi ng PTAA na makatutulong ang PTAA Travel Tour Expo 2026 upang matugunan ang isyu ng mahal na biyahe, dahil mahigit 800 booth ang mag-aalok ng mga diskuwento at promo package na sinasabing may pinakamababang presyo sa buong taon.
“Yes, pwedeng mura, pwedeng mura bumyahe if you buy at the right time, at the right place, with the right people… Lahat po ng nirereklamo ng bayan ang mahal mag byahe sa Pilipinas, titigil po yan during Feb 6 to 8,” ayon kay PTAA PRO Charlene Lontoc.
Bukod sa mga promo, mag-aalok din ang expo ng zero percent interest sa 24-month installment, na layong tulungan ang mga biyahero na mas mapaghandaan ang kanilang gastos habang sinusuportahan ang lokal na ekonomiya.