January 24, 2026

Home BALITA

'Kaunting misunderstanding:' Isyu sa retirement ni Torre, sinagot ng Palasyo

'Kaunting misunderstanding:' Isyu sa retirement ni Torre, sinagot ng Palasyo

May nilinaw si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro hinggil sa hindi umano pagkakaintindihan sa isyu ng optional retirement ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III matapos siyang maging Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager.

Ayon kay Castro, tila nagkaroon lamang ng hindi pagkakaintindihan, ngunit malinaw na ngayon kay Torre ang sitwasyon at handa na umano siyang ilipat ang four-star rank kay Acting PNP Chief Melencio Nartatez Jr.

“Opo, nakausap po mismo natin si General Torre, at malamang po ay nagkaroon lang nang kaunting misunderstanding. Pero muli, the President appointed General Torre as the general manager of MMDA,” ani Castro.

Dagdag pa niya, “He took his office. He is now actively performing his job as the general manager of MMDA. And for his optional retirement, he will receive full benefits and emoluments as a four-star general.”

National

Mahigit 1.3M pasyente, walang binayaran dahil sa ZBB noong 2025!—DOH

Binanggit din ni Castro na tinanggap ni Torre ang mga magiging epekto ng pagtanggap niya sa bagong posisyon sa MMDA.

“Accepted po niya iyon. Dahil po tinanggap niya po ang posisyon na ito, alam naman niya po kung ano po ang maaaring mangyari. At muli, ang mangyayari lamang po, siya po ay tatanggap ng benepisyo, full benefits and lahat ng emoluments as a four-star general,” ayon kay Castro.

Matatandaang itinanggi ni Torre na pumirma siya ng dokumento para sa kaniyang optional retirement ngunit sinabi niyang hinihintay lamang niya ang magiging utos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. hinggil sa kanyang pagreretiro.

“Wala kasi akong pinipirmahang application,” pagsisimula niya, “So let us limit at that muna kasi mag-uusap muna kami ng ating mga boss.” 

Dagdag pa ni Torre, “I-discuss muna naman kasi lahat naman ay napag-uusapan. Baka hindi lang na-discuss nang todo at lumabas na sa media ‘yan.”

KAUGNAY NA BALITA: Torre, itinangging nagsumite ng optional retirement!

Inalis si Torre sa puwesto bilang PNP chief noong Agosto 25, 2025, at pinalitan siya ni Nartatez  bilang acting PNP chief.

Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isa sa mga dahilan ng pag-alis kay Torre bilang hepe ng PNP ay ang umano’y pagsuway nito sa utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) hinggil sa reassignment ng ilang key officials.

Sa kabila ng kanyang pagkakatanggal sa pinakamataas na posisyon sa PNP, nananatili pa ring hawak ni Torre ang four-star rank.

Noong Disyembre 2025, nanumpa si Torre bilang general manager ng MMDA.