Tuwing nangangailangan ng medikal na atensyon, ilang mga Pilipino ang umaming sumasangguni muna sila sa Artificial Intelligence (AI) bago tuluyang magpakonsulta sa doktor.
Ayon sa isang ulat ng ABS-CBN News, tila ganito na raw ang diskarte ng mga Pinoy ngayon.
Nang subukan nila ito, mabilis namang sumagot ang AI—ngunit mga posibleng dahilan lamang ang inilatag nito.
Payo tuloy ng mga eksperto, hindi pa rin daw ito sapat dahil hindi pa rin lubusang kilala ng AI ang katawan ng tao.
Ayon sa panayam ng ABS-CBN kay Dr. Allan Gumatay, hindi raw masama na sumangguni ang tao sa AI, ngunit mahalaga pa rin daw na magpakonsulta ang tao sa doktor.
“Hindi bawal mag-Google because it’s there—it’s free, walang restrictions. Pero mayroon kasing filtering na dapat nangyayari, at si doktor ‘yong talagang magfi-filter,” saad ni Gumatay.
“The worth is assisting us, not replacing. Kailangan pa rin ng human oversight to filter the information and make proper decision,” dagdag pa niya.
Base naman sa isang pag-aaral sa Harvard Medical School, sinimulan nilang i-develop ang “Dr. CaBot,” na isang medical education tool.
Layon nitong makabuo ng mga diagnosis na mayroong detalyadong pagpapaliwanag katulad ng mga tunay na eksperto.
“We wanted to create an AI system that could generate a differential diagnosis and explain its detailed, nuanced reasoning at the level of an expert diagnostician,” saad nila.
Sa isa namang ulat, ginamit din ang AI sa mas mabilis na “consultation process,” at bilang sagot na rin sa kakulangan ng mga “healthcare workers” sa bansa.
Vincent Gutierrez/BALITA