January 25, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Gelli nakorner tungkol kina Kaila at Daniel; pamangkin, buntis nga ba?

Gelli nakorner tungkol kina Kaila at Daniel; pamangkin, buntis nga ba?
Photo courtes: Screenshot from StarsPhotog Vidz (YT)/via MB

Naurirat ng showbiz news reporters ang aktres at TV host na si Gelli De Belen tungkol sa pamangkin niyang si Kaila Estrada, at sinasabing relasyon niya kay Daniel Padilla.

Ilang buwan na ring maugong na pinag-uusapan ang relasyon ng dalawa batay na rin sa iba't ibang sightings sa kanilang dalawa, sa iba't ibang lugar.

Hanggang ngayon, wala pa ring kumpirmasyon mula sa dalawa. Nagkasama ang dalawa sa action series na "Incognito" noong 2025, kasama sina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Anthony Jennings, at Maris Racal.

Kaya naman, si Gelli na siyang kapatid ni Janice De Belen na nanay naman ni Kaila ang isa sa mga napagdiskitahang tsikahin ng showbiz news reporters tungkol dito.

Tsika at Intriga

Sen. Win Gatchalian, pasimpleng kinumpirma hiwalayan nila ni Bianca Manalo?

Nagbiro pa si Gelli na tila hindi niya napaghandaan ang tanong sa kaniya patungkol sa pamangkin at rumored boyfriend nito.

Sey ni Gelli, wala raw siyang direktang alam tungkol sa umano'y relasyon ng dalawa.

"Bahala na sila, malalaki na sila," saad na lang ni Gelli.

Nang tanungin kung ipinakilala na ba ni Kaila si Daniel sa kaniya, aniya, "Matagal ko nang kilala si DJ. Inaanak ko pa nga si DJ."

Si Kaila pa raw ang nagpaalala sa kaniyang inaanak niya sa binyag si Daniel.

Nang uriratin pa si Gelli kung ipinakilala na ba ni Kaila si Daniel bilang jowa, natatawang sinabi ni Gelli na hindi niya alam.

"Hindi ako prepared, hindi ako prepared!" natatawang sabi na lang ni Gelli. "Basta, hayaan na lang natin sila!"

Nang usisain naman siya kung happy siya para kay Kaila, safe na sagot ni Felli, happy raw siya para sa lahat ng mga pamangkin niya.

"Sa akin kung saan masaya ang mga batang ito, doon sila. Kung ano ang ikaliligaya nila, doon sila," aniya.

Hindi pa rin siya tinantanan ng mga showbiz news reporter at tinanong naman kung boto ba siya kay DJ bilang rumored boyfriend ng pamangkin.

"Hindi ko alam 'yan..." natatawa pa ring patay-malisyang sagot ni Gelli. "Ayokong ma-involved! Ayoko!"

Sunod naman na tanong, ay kung anong reaksiyon niya na isa si Kaila sa mga pinagsususpetsahang aktres na buntis na hindi na raw matutuloy muna ang gagawing pelikula, batay sa mga lumalabas na blind items.

"What?!" bulalas ni Gelli na talagang shookt na shookt sa narinig niya.

"Hindi 'yan, hindi totoo 'yan!" pagde-deny ni Gelli.

Kung totoo raw ang isyu, malamang daw ay tinawagan na agad siya ng kapatid na si Janice.

Kaugnay na Balita: Daniel Padilla, Kaila Estrada mag-jowa na, ispluk ni Ogie Diaz