Lumagda ng bagong memorandum of agreement (MOA) ang Department of Education (DepEd) kasama ang local government units (LGUs) upang mas mapabilis ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga silid-aralan gamit ang pondo na inilaan mula sa 2026 national budget.
“Mas mabilis kaming makakakilos kapag katuwang ang LGU, dahil sila ang mas nakakaalam kung alin ang pinaka-kailangan ng kanilang mga paaralan,” saad ni Sec. Sonny Angara sa pahayag ng DepEd noong Miyerkules, Enero 21.
“Ginagawa natin itong malinaw at maayos kasama ang mga liga ng LGU para siguradong ang pondo ay mabilis na nagiging silid-aralan para sa mga bata at guro.” dagdag pa niya.
Ayon pa sa pahayag, ang ansabing MOA ay nakabatay sa 2026 General Appropriations Act (GAA) na nagbibigay pahintulot sa DepEd na makipagtulungan sa mga kwalipikadong LGU sa pagbibigay ng basic education facilities.
Sa ilalim rin ng MOA, pinapalakas ang koordinasyon ng DepEd at LGUs sa pagtukoy ng mga prayoridad na paaralan, paglalaan ng pondo at resources, at implementasyon ng mga proyekto alinsunod sa pamantayan ng national education at infrastructure habang isinasaalang-alang ang mga pangangailangang lokal.
Bukod pa rito, sa pamamagitan rin ng MOA, maaaring maging katuwang ng DepEd ang LGUs sa iba pang proseso tulad ng kanilang regular na procurement processes, kombinasyon ng pondo mula sa national allocations, national tax allotment, special education funds (SEF), at mga programa sa pagtatayo at pagsasaayos ng learning spaces.
Ayon rin sa pahayag, nakipag-ugnayan rin si Angara sa pangunahing LGU associations kabilang ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), League of Provinces of the Philippines (LPP), at League of Cities of the Philippines (LCP) sa pagsasapinal ng mga detalye ng implementasyon at para matiyak na magkakatugma ang LGUs sa pamantayan, proseso, at iskedyul ng pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Ang DepEd ay magbibigay rin daw ng standard na disenyo, technical framework, at pangangasiwa para matiyak na lahat ng proyekto ay sumusunod sa minimum performance standards at specifications, kasama na rito ang audit at accountability rules.
Sa pagtatapos ng pahayag, ibinahagi na sa pamamagitan ng nilagdaang MOA, mabilis na matutugunan ang kakulangan na 165,000 silid-aralan, para mabigyan ng ligtas at mas maayos na learning spaces ang milyon-milyong mag-aaral at guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Matatandaan na sa kabuoang ₱ 6.793 trilyon na pambansang budget para sa 2026, ₱ 1.345 trilyon ang nakalaan para sa sektor ng edukasyon para mapondohan ang 32,916 teaching at 32,268 non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan.
Layon din ng alokasyon na ito ma-expand ang pagpopondo sa pagpapatayo ng 24,964 na silid-aralan sa buong bansa.
MAKI-BALITA: ‘Mas magiging responsable kami!’ PBBM, tiniyak na tutuldukan katiwalian sa 2026 national budget
Ang alokasyon na ito ay matatandaang ipinagpasalamat naman ni Angara noong Enero 5, kaya tinitiyak niya na mabibigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat pamilya at mag-aaral sa bansa.
MAKI-BALITA: DepEd Sec. Angara, pinasalamatan si PBBM sa paglaan ng ₱1.35T sa sektor ng edukasyon!
Sean Antonio/BALITA