January 26, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Bagong silang na sanggol inabandona, natagpuan sa loob ng cardboard box sa gilid ng kalsada

#BalitaExclusives: Bagong silang na sanggol inabandona, natagpuan sa loob ng cardboard box sa gilid ng kalsada
Photo courtesy: Darwin Apduhan (FB)

Pinagkaguluhan ng mga tao ang isang bagong silang na sanggol na natagpuan sa loob ng cardboard box sa gilid ng kalsada sa Cebu City, kamakailan. 

Makikita sa Facebook post ng netizen at isa mga saksing si Darwin Apduhan na nakabalot sa isang eco bag sa loob ng kahon ang sanggol, na tila basa-basa pa mula sa pagkapanganak, umaga ng Martes, Enero 20.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Darwin, ibinahagi niyang bandang 6:30 ng umaga nang maabutan niyang may mga taong umiiyak at sumisigaw, at mga pulis na hindi mapakali sa kahabaan ng Puregold Mango Avenue, Cebu City. 

Nang lapitan niya ang lugar ng pangyayari, napag-alaman ni Darwin na wala pang isang oras nang inilabas sa sinapupunan ang sanggol, na iniwan malapit sa poste ng kuryente. 

Trending

ALAMIN: Ang pagtaob at pagkawala ng MBCA Amejara sa Davao

Aniya, sa pagkalap niya ng impormasyon, may nakausap siyang apat na magkakaibigan na humahagulgol dahil kutob raw ng mga ito, anak ng kaibigan nila ang sanggol na nakita sa loob ng karton. 

Ayon sa mga ito, nagpaalam daw ang kaibigan nilang buntis noon ding umaga na iyon para pumunta sa ospital dahil dinudugo raw siya.

Akala ng magkakaibigan na nakunan ito, dahil ang alam daw nila ay limang buwan pa lang ang pagbubuntis nito. 

Dahil dito, agad silang tumawag ng ambulansya, ngunit hindi raw sumakay ang kaibigan sa ambulansya, bagkus ay sumakay ng taxi papuntang ospital. 

Maya-maya raw ay narinig daw nila na sa isang kahon sa malapit sa poste, sa tapat ng boarding house nila sa kahabaan ng Mango Avenue may tunog ng iyak ng sanggol. 

Nang lapitan daw nila ang pinanggagalingan ng tunog, nakumpirma na may sanggol rito, kaya agad silang tumawag sa pulis na naka-duty malapit sa pinangyarihan ng insidente. 

Saad pa sa kuwento ng barkada kay Darwin, malakas ang kutob nila na nagsinungaling ang kaibigan na limang buwan pa lamang itong buntis, at ito raw ang palagay nilang ina ng sanggol dahil wala naman daw silang kakilalang ibang buntis na umuupa sa boarding house malapit sa kanila. 

Binanggit din ni Darwin na bandang 8:00 ng umaga, may mga dumating ng responde at ambulansya para sa sanggol.

Makikita sa Facebook page ni Cebu City Nestor Archival noong Miyerkules, Enero 21, na maayos ang naging lagay ng sanggol nang bisitahin nila ito sa ospital. 

Sean Antonio/BALITA