Ibinahagi sa publiko ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na may posibilidad daw na nakapuslit na ang negosyante at most wanted person ngayon sa bansa na si Atong Ang.
Ayon sa naging panayam ng DZBB Super Radyo kay Remulla nitong Huwebes, Enero 22, sinabi niyang nakawalong (8) operasyon na umano sila sa pagtugis kay Ang nitong linggo pero hindi pa raw nila nakikita ang negosyante.
“Nakawalong (8) operations na kami in the last week. Lahat ng mga kaibigan niya, ‘yong mga game farm, pinuntahan na namin lahat [kasi] may mga information nandodoon daw pero pagdating namin… wala naman,” pagsisimula niya.
MAKI-BALITA: Bakbakan na? ‘320k na mga pulis, magkakasa ng 'manhunt op' kay Atong Ang!’—SILG Remulla
Ani Remulla, kumpiyansa raw sila na nasa bansa pa rin si Ang ngunit may impormasyon at posibilidad din daw na nasa Cambodia na ito.
“So, we are confident [that] he’s in the country but there’s a possibility na—may information na nasa Cambodia [si Atong Ang] na nakatakas siya through the back door,” aniya.
Pahabol pa niya, “Pero that’s raw information.”
Pagpapatuloy ni Remulla, nagkaroon sila ng impormasyon patungkol sa posibleng kinaroroonan ni Ang dahil nagsagawa ito ng online sabong sa nasabing bansa.
“Kasi nag-set off siya ng ano doon, e… nag-set off siya ng online sabong sa Cambodia,” saad niya.
Ayon pa kay Remulla, pinakakansela na rin daw nila ang pasaporte ni Ang at maaari rin daw itong maipabalik sa Pilipinas sakaling maging opisyal nang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pamamagitan ng paghiling sa Hari ng Cambodia.
“Opo, pinapakansela na po. Kapag napa-cancel na po ‘yan, ang ASEAN at magiging Chairman ang ating Pangulo, puwede niya pong i-request ‘yan sa kapuwa Pangulo niya, o Hari ata ang Cambodia, e, puwede niyang i-request na ipabalik dito si Atong Ang,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Atong Ang, nasa proteksyon umano ng ilang mga pulis?
MAKI-BALITA: 'Walang pruweba!' Nartatez, pinalagan akusasyong may mga pulis na nagkakanlong kay Atong Ang
Mc Vincent Mirabuna/Balita