January 25, 2026

Home BALITA

'Absent daw!' House Secretary General, 'di tinanggap ikalawang impeachment case kay PBBM

'Absent daw!' House Secretary General, 'di tinanggap ikalawang impeachment case kay PBBM
Photo courtesy: via MB

Inihayag ni Bayan Chairperson Teddy Casiño na hindi raw tinanggap ng House Secretary General ang ikalawang impeachment case na inihain ng Makabayan Bloc laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa panayam ng Balitanghali kay Casiño nitong Huwebes, Enero 22, 2026, iginiit niyang hindi raw tinanggap ang kanilang reklamo dahil wala raw si House Sec. Gen. Cheloy Garafil.

“Bagaman ito ay iniwan na lang namin sa kaniyang opisina, kasi under the rules, under the constitution, ministerial—trabaho talaga ng Secretary General Office na tanggapin ang ganitong mga reklamo,” saad ni Casiño.

Nang tanungin kung bakit hindi tinanggap ang ikalawang impeachment case, saad ni Casiño,”Absent daw siya. Siya daw ay nasa ibang bansa. Hindi naman pwede ‘yon. Na porket absent ka eh hindi na tatakbo ang opisina mo at hindi na magagawa ng opisina mo, ang iyong trabaho.”

Probinsya

Rider na naaksidente, kasamang nasunog sa nagliyab na motorsiklo

Kaugnay nito, mariin namang nilinaw ni Casiño na alituntunin ng Kamara sa pagtanggap at pagsusumite ng impeachment case laban sa isang opsiyal.

“Hindi po required under the rules of the House na personally ang Secretary General ang magrereceive ng isang impeachment complaint. Ang nasa rules po ay opisina niya,” aniya.

Sa kabila nito, naniniwala raw ang Makabayan Bloc na opisyal pa ring tinanggap ng opisina ng House Secretary General ang mga dokumento ng ikalawang impeachment laban kay PBBM, alinsunod sa payo raw ng kanilang aboagado.

“Basta iniwan mo, at na-document mo na iniwan mo… it is deemed received,” saad ni Casiño.

Planado na rin daw ng Makabayan Bloc na isumite ang naturang impeachment complaint sa tanggapan naman ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy.

“Ang plano po ng ating mga endorsers, dadalhin po nila sa opisina na House Speaker Bojie Dy,” giit ni Casiño.

Naghain na ang Makabayan bloc sa Kamara ng ikalawang impeachment complaint laban kay Pres. Bongbong Marcos ngayong Huwebes, Enero. 22.

Kabilang sa batayan ng reklamo ang betrayal of public trust kaugnay ng malawakan at sistematiko umanong korupsyon sa flood control projects mula 2022 hanggang 2025.

Giit pa ng grupo, hindi lang umano pinayagan kundi pinangunahan pa ng Pangulo ang sistema ng anila'y plunder sa pamamagitan ng manipulasyon sa national budget.