January 24, 2026

Home BALITA

'Walang pruweba!' Nartatez, pinalagan akusasyong may mga pulis na nagkakanlong kay Atong Ang

'Walang pruweba!' Nartatez, pinalagan akusasyong may mga pulis na nagkakanlong kay Atong Ang
Photo courtesy: MB File photo

Nagpahayag ng pagkadismaya ang Acting Philippine National Police (PNP) chief na si PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kaugnay ng mga ulat na may ilang pulis na umano’y tumulong sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang upang makaiwas sa pag-aresto.

KAUGNAY NA BALITA: Atong Ang, nasa proteksyon umano ng ilang mga pulis?

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Enero 21, 2026, sinabi ni Nartatez na pinaigting na ng PNP ang mga operasyon laban sa mga indibidwal na posibleng tumulong kay Ang, at iginiit na nananatiling walang humpay ang kapulisan sa paghahanap sa puganteng negosyante.

“We are mindful of all the allegations involving the integrity of the PNP. We verify and immediately take action as part of our efforts to sustain the trust and confidence of the Filipino people to their police force,” ayon kay Nartatez.

Internasyonal

12-anyos na lalaki, patay sa kagat ng pating!

Nagbabala ang PNP chief na may mabibigat na kaparusahan ang sinumang tutulong sa isang fugitive, lalo na kung ang sangkot ay mga pulis o iba pang kawani ng pamahalaan. Aniya, hindi kukunsintihin ng PNP ang anumang uri ng misconduct sa loob ng hanay nito at magsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan ng sinumang mapatutunayang sangkot.

Pinabulaanan din ni Nartatez ang mga alegasyong sinasadya umanong itinatago ng pulisya ang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Ang upang mapakinabangan ang ₱10-milyong pabuya sa kanIyang pagkakaaresto.

“Our personnel will not be distracted by these unfounded accusations. Walang pruweba ang sinumang nag-aakusa sa atin nang ganito,” giit niya.

Kasabay nito, iniulat na nagsilbi ang National Bureau of Investigation (NBI) ng warrant of arrest sa isang resort sa Zambales ngunit hindi natagpuan doon si Ang.

“Naka-focus tayo sa paghahanap kay Atong Ang at gaya ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungero, gusto rin nating mapanagot ang tunay na nasa likod ng kanilang pagkawala,” dagdag ni Nartatez.

Muling tiniyak ng PNP chief sa publiko na sapat ang mga tauhan at resources na inilaan para sa manhunt laban kay Ang, at kinilala rin ang patuloy na pagsisikap ng mga pulis na walang sawang nagtatrabaho sa operasyon.