Nanawagan ang political prisoner support group na Kapatid sa pamahalaan na ilipat si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa isang ordinaryong selda at iwasan ang tinawag nitong “VIP treatment” sa kanyang pagkakakulong.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Enero 21, 2026, sinabi ng Kapatid na ang kasalukuyang detention arrangement ni Revilla ay nagpapadala ng isang “dangerous signal” na ang batas ay “bends for the powerful.”
Matatandaang nauna nang sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na mananatili si Revilla sa isang 47-square-meter na pasilidad na idinisenyo para sa 10 detainees at may sariling palikuran at banyo. Iginiit ng BJMP na hindi umano tumatanggap ng espesyal na trato ang dating senador.
Gayunman, ikinumpara ng Kapatid ang kalagayan ng pagkakakulong ni Revilla sa umano’y “overcrowded and inhumane” na kondisyon na nararanasan ng iba pang persons deprived of liberty (PDLs).
“Revilla’s detention quarters constitute VIP—Very Important Prisoner—treatment in a sea of suffering. This is detention by privilege, not by law,” ayon kay Kapatid spokesperson Fides Lim.
“The corrupt are literally cushioned, even provided with mattresses, while the poor and political prisoners endure overcrowded jails in the most inhumane conditions,” dagdag pa niya.
Muling iginiit ng grupo ang panawagan para sa mas maayos na kalagayan ng mga PDL sa buong bansa, binanggit na lumalagpas umano sa 300 porsiyento ang jail congestion sa Pilipinas na nagdudulot ng maruming kondisyon at hindi makatuwirang paghihigpit sa pagkain at tubig.
Ayon pa sa Kapatid, madalas umanong napapabayaan ang mga political prisoner at iba pang PDL, tinatanggihan ng medical transfer, o napuputol ang akses sa kanilang legal counsel. Giit ng grupo, hindi sapat ang mga pangako upang matiyak ang pantay na pagtrato sa ilalim ng batas.
“Equal justice means equal conditions. Revilla and other corrupt accused should be held in the same ordinary, congested cells as everyone else,” pahayag ni Lim.
“The fact that they are government officials—and repeat offenders—makes their crimes even worse. They should feel the full weight of the law, not enjoy special treatment,” dagdag pa niya.
Nauna namang tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa publiko na walang espesyal na trato na ibibigay kay Revilla matapos itong sumuko sa Camp Crame sa Quezon City noong Lunes.
Si Revilla ay kasalukuyang nasa pansamantalang detensiyon sa Quezon City Jail sa Payatas at nakapagpiyansa ng P90,000 para sa kanyang mga kaso. Hinaharap ng dating senador ang kasong malversation kaugnay ng isang graft case sa umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.