January 24, 2026

Home BALITA Politics

‘Tama na politika!’ Sen. Robin, binengga impeachment para kina PBBM, VP Sara

‘Tama na politika!’ Sen. Robin, binengga impeachment para kina PBBM, VP Sara

Mariing binatikos ni Senador Robin Padilla ang mga panawagan para sa impeachment laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte—at nanawagan na itigil na ang aniya’y walang katapusang politika sa bansa.

Sa isang Facebook post, iginiit ng senador na mas dapat pagtuunan ng pansin ng ika-20 Kongreso ang mga panukalang batas na may direktang kinalaman sa pang-araw-araw na buhay ng mga ordinaryong Pilipino sa halip na ang mga isyung pampulitika.

“Ang daming dapat tapusin ng 20th Congress. Mga panukalang batas na may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay ng ordinaryong Pilipino,” ayon kay Padilla.

Hinimok niya ang mga mambabatas na itigil na ang pagsusulong ng impeachment, maging ito man ay laban kay Vice President Sara Duterte o kay Pangulong Marcos.

Politics

Torre kinarga ang 'sexy misis,' hinikayat tumakbo sa 2028

“Tigilan n’yo na ang mga impeachment maging kay VP Inday ’yan o sa PBBM. Tama na ang politika!” giit ng senador.

Nanawagan din si Padilla sa publiko na alalahanin ang mga aniya’y nagpapalala ng kaguluhan sa bansa dahil sa patuloy na sigalot sa kapangyarihan.

“Mga kababayan, tandaan po ninyo ang mga mukha ng mga taong nagpapagulo ng ating bayan. Sukang-suka na tayo sa walang katapusan na awayan at agawan ng kapangyarihan,” pahayag niya.

Ayon pa sa senador, matagal nang naghihintay ang taumbayan ng tunay na pag-unlad at pag-asenso, ngunit wala pa umanong malinaw na naibibigay ang pamahalaan sa loob ng mahabang panahon.

“Ang tao, nag-aantay ng pag-asenso. Wala pang naibibigay magmula 1896 Revolution hanggang 1986,” ani Padilla.

Tinuligsa rin niya ang patuloy na pag-asa ng bansa sa pangungutang bilang solusyon sa mga problema nito.

“Wala tayong ginagawa kundi mangutang lang. Utang, utang, utang!” saad ng senador.