January 21, 2026

Home BALITA National

Sen. Risa, handa maging senator-judge sa impeachment vs PBBM

Sen. Risa, handa maging senator-judge sa impeachment vs PBBM
Photo courtesy: Senate of the Philippines/YT, PCO


Diretsahang ipinahayag ni Sen. Risa Hontiveros na handa umano siya na magsilbing senator-judge kung sakaling umakyat sa mataas na kapulungan ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, na siyang inihain laban sa Pangulo ni House Deputy Minority Leader Pusong Pinoy Party-List Rep. Jett Nisay, sa pamamagitan ng abogado niyang si Atty. Andre De Jesus noong Lunes, Enero 19.

MAKI-BALITA: Solon, naghain ng impeachment complaint vs PBBM sa Kamara!-Balita

Sa ikinasang press conference sa “Kapihan sa Senado” nitong Miyerkules, Enero 21, inamin ni Hontiveros na hindi pa niya nababasa ang naturang impeachment, sapagkat ito ay nasa hurisdiksyon pa ng mababang kapulungan.

“Siyempre, hindi ko pa nababasa ‘yong finile, kasi sa House ang jurisdiction niyan, sa ngayon. So, hindi ko pa alam ‘yong grounds,” saad ni Hontiveros.

Giit pa niya, “Gaya ng nabanggit ninyo, kung umakyat ‘yan dito sa Senate, handa akong gumanap ng tungkulin bilang senator-judge na i-consider ang anumang evidence na i-offer noong impeachment complaint na iyan—at magdesisyon, bumoto batay sa evidence…”

Sinagot din ng mambabatas ang posibleng impeachment complaint na ihahain naman kay Vice President Sara Duterte.

“Well, anything is possible. Kung parehong mag-prosper ‘yong dalawang complaint sa House, then magiging dalawa ‘yong tungkulin namin dito—or dalawang impeachment trials,” anang mambabatas.

Matatandaang ibinunyag ni Sen. Imee Marcos kamakailan na inaasahan niya ang panibagong impeachment complaint na ihahain laban sa Pangalawang Pangulo, bago o sa darating na Pebrero 6, 2026.

“Feb. 6 is the reckoning date for a second impeachment against VP Sara,” ani Marcos.

MAKI-BALITA: Pasabog ni Sen. Imee: Bagong impeachment case kontra kay VP Sara, ikakasa sa Feb. 6!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA