Kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ipinamalas na talento at husay ng mga atletang Pinoy sa 33rd Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand kamakailan.
Sa isinagawang “Parangal at Pasasalamat sa mga Bayaning Atleta” sa Foro de Intramuros sa Maynila nitong Miyerkules, Enero 21, ipinaabot niya ang kaniyang mensahe para sa mga manlalarong binitbit ang bandila ng bansa sa nagdaang kompetisyon.
“Pinagdiriwang natin ngayong araw ang dangal, tibay ng loob, at pambihirang kakayahan ng atletang Pilipino,” panimula ni PBBM.
Aniya pa, “Noong ika-33 Southeast Asian Games na ginanap sa Thailand, magiting na kinatawan ang ating bansa ng mahigit 1,500 atleta. Ito ang pinakamalaking Philippine team sa kasaysayan ng Southeast Asian Games.”
“Dala ang bandila ng ating bansa, pinakita ninyo kung ano ang kayang marating ng atletang Pilipino,” dagdag pa niya.
Saad pa ng Pangulo, buong pagmamalaki ang alay niya sa mga atleta—may medalya man ang mga ito o wala.
“At sa pagkatapos ng kompetisyon, hindi n’yo naman kami binigo. Nakuha ng Pilipinas ang ikaanim na ranggo. Bukod pa roon, nakamit natin ang 277 medalya—mas maraming medalya kumpara noong nakaraang 2023 at 2021 na SEA Games,” anang Pangulo.
“Buong pagmamalaki naming kinikilala ang husay at galing na ipinamalas ninyo. Ngunit, may medalya man o wala, panalo kayong lahat sa puso ng sambayanang Pilipino,” giit pa niya.
Espesyal ding kinilala ni PBBM sina tennis ace Alex Eala, pole vaulter EJ Obiena, at ang Philippine Women’s National Football team, matapos umano silang maisulat sa pahina ng kasaysayan ng isports sa Pilipinas.
Sa parehong kaganapan, inanunsyo rin ni PBBM ang “additional cash incentives” na handog ng kaniyang tanggapan para naman sa mga manlalarong nag-uwi ng medalya.
“Bilang pagkilala sa inyong natatanging tagumpay, mula sa Tanggapan ng Pangulo, tatapatan natin nang kaunting cash incentives na nakalaan sa ating mga nanalong atleta. Para sa mga gold medalists, may tig-iisa kayong ₱300,000. Sa mga nag-uwi naman ng silver, may ₱150,000 ang bawat isa sa inyo. Para sa mga bronze medalists, may ₱60,000 naman ang makukuha ninyo,” ani PBBM.
MAKI-BALITA: PBBM, may pa-additional cash incentives sa SEA Games medalists-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA