Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tatapatan ng kaniyang opisina ang matatanggap na cash incentives ng mga atletang Pinoy na nakasungkit ng medalya sa ikinasang 33rd Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand kamakailan.
Sa isinagawang “Parangal at Pasasalamat sa mga Bayaning Atleta” sa Foro de Intramuros sa Maynila nitong Miyerkules, Enero 21, ipinabatid ni PBBM na ito ay bilang pagkilala sa mga natatanging talentong ipinamalas ng mga manlalarong Pilipino sa nasabing kompetisyon.
“Bilang pagkilala sa inyong natatanging tagumpay, mula sa Tanggapan ng Pangulo, tatapatan natin nang kaunting cash incentives na nakalaan sa ating mga nanalong atleta,” panimula ni PBBM.
Aniya, “Para sa mga gold medalists, may tig-iisa kayong ₱300,000. Sa mga nag-uwi naman ng silver, may ₱150,000 ang bawat isa sa inyo. Para sa mga bronze medalists, may ₱60,000 naman ang makukuha ninyo.”
“Magkakaloob din ang Office of the President (OP) ng tig-₱10,000 sa mga atletang nanalo sa iba pang palaro bukod sa SEA Games. Batid nating walang katumbas na halaga ang inyong sakripisyo—ngunit tanggapin ninyo ito bilang simbolo ng pagpupugay at pasasalamat ng mamamayang Pilipino sa inyong kabayanihan,” dagdag pa niya.
Umaasa ang Pangulo na marami pang kabataang Pinoy ang sumunod sa mga yapak ng magiging na atletang nagsipag-uwi ng karangalan para sa bansa.
“Nawa ay marami pang kabataang Pilipino ang tumahak sa katulad na landas na inyong nailakbay. Kaya isinusulong ng pamahalaan ang pag-angat ng kalidad ng sports development sa ating bansa,” anang Pangulo.
“Muli, congratulations sa inyong lahat. Maraming-maraming salamat, mabuhay ang atletang Pilipino! Mabuhay ang bagong Pilipinas,” pagtatapos niya.
Nasasaad sa Republic Act No. 10669, o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act,” na obligadong suportahan ng estado ang mga national athletes—kasama na ang mga coaches nito—sa paraan ng pagbabahagi ng benefits at incentives sa kanila.
Ayon sa batas, nararapat na tumanggap ng ₱300,000 ang SEA Games gold medalists, ₱150,000 sa silver, at ₱60,000 naman para sa bronze.
Kasama rin dito ang ilang discounts at serbisyo sa ilang establisyimento, leisure facilities, at maging medical at dental consultations.
Vincent Gutierrez/BALITA