Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na wala na umanong samaan ng loob sa pagitan niya at ni dating Philippine National Police (PNP) chief at kasalukuyang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III.
Ito ay sa kabila ng kontrobersyal na pagsibak noon kay Torre kasunod ng isinagawang balasahan sa hanay ng PNP na naging sentro ng diskusyon sa publiko.
Ayon kay Remulla, tapos na ang usapin at hindi na ito dapat pang balikan.
“Past is past. Move on na kami pareho,” dagdag pa ng kalihim.
Sinabi ng kalihim na maayos ang kanilang komunikasyon at maging ang mga naging proseso kaugnay ng paglipat ni Torre sa MMDA ay personal niyang tinutukan.
Aniya, wala umanong naging personal na alitan sa pagitan nila at nananatili ang propesyonal na ugnayan bilang mga lingkod-bayan.
“Cinongratulate ko siya lalo na nung na-appoint (siya sa) MMDA. Ako ang tumawag sa kanya para i-process yung optional retirement niya. Nagpasalamat sa akin. Ako ang kumuha ng lahat ng clearances niya... so all is in the past,” pahayag ni Remulla.
Dagdag ni Remulla, mas mahalaga umano sa ngayon ang pagtutok sa kani-kanilang mandato at responsibilidad sa gobyerno kaysa balikan ang mga isyung naganap sa nakaraan.
Giit niya, pareho na silang naka-move on at patuloy na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin para sa kapakanan ng publiko.