January 24, 2026

Home BALITA National

'Parang hinoldap tayo tapos mag-sorry sa holdaper?' Sen. Risa, may banat kay Curlee Discaya

'Parang hinoldap tayo tapos mag-sorry sa holdaper?' Sen. Risa, may banat kay Curlee Discaya
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT)

Hindi napigilang maglabas ng kaniyang reaksyon si Sen. Risa Hontiveros patungkol sa naging pahayag ng kontratista at negosyanteng si Curlee Discaya na tila sila pa raw ang nanakawan kung magbibigay sila sa restitution process para sa Witness Protection Program (WPP). 

“Parang ang ibig sabihin, parang modern day na pagnanakaw. Ibig sabihin, ‘yong nakaw ba, siya pa ang magbibigay ng pera doon sa ninakawan niya? Parang ganoon po,” saad ni Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, Enero 19, 2026.

KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta, Fadullon nagkasagutan dahil sa restitution ni Discaya para sa WPP

Ayon naman sa isinagawang press conference sa “Kapihan sa Senado” nitong Miyerkules, Enero 21, nagawang patutsadahan ni Hontiveros si Discaya na tila raw sila pa ang kailangang humingi ng dispensa sa mga ito. 

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

“I know, right? Kaya talagang [ang] ilan sa amin, halos mahulog sa silya,” pagsisimula niya, “I mean, hello? Sasabihin niya na ninakawan sila? Parang hinoldap tayo tapos kailangan pa nating mag-sorry sa holdaper?” 

Ani Hontiveros, dapat daw na tigilan na ng mga Discaya ang pag-iwas sa mga tanong sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee at makipagtulungan na mismo sa imbestigasyon nito kaugnay sa maanomalyang flood control projects. 

“I mean, tigilan na ng mga Discaya ‘yong ganiyang pag-iiwas sa mga tanong o outright [na] pag-deflect sa direksyon na gustong tahakin ng hearing,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Kung talagang gusto nilang makipagtulungan sa gobyerno, [simulan] na sa Blue Ribbon Committee. Kung talagang gusto nilang matanggap sa Witness Protection Program, dito pa lang sa Senado, simulan na nilang sagutin nang tapat at kumpleto lahat ng aming mga tanong.” 

Pagpapatuloy ng senador, tigilan na rin daw ng mga Discaya ang umano’y pagpapanggap na isang biktima patungkol sa naturang anomalya. 

“Tigilan na ‘yang mga, ‘yon na nga, holdaper, pretending to be the victim, tigilan na ‘yong mga pagdadahilan na kesyo hindi raw sila pinapasok ng city hall sa office nila—na by the way, may credible source kami na hindi ‘yun nangyari,” diin niya. 

Pagdidiin pa niya, “Sa halip na sabihin nilang wala na silang employees kaya’t hindi na ma-recover ‘yong records. I mean, O, come on. Inamin mismo ni Sarah Discaya noong isang early hearing na… 2016 pa lang, nagsimula na silang tumanggap ng malalaking kontrata pati sa flood control mula sa gobyerno…” 

Tila hindi raw naniniwala si Hontiveros na walang paper trail ang mga naging malalaking proyektong hinawakan ng mga Discaya taliwas sa pahayag nito sa nasabing komite.  

“Imposibleng ganiyang kalalaking mga proyekto’t halaga ay walang paper trail at wala silang access doon,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: 'Sila pa raw nanakawan, medyo makapal talaga mukha ni Curlee Discaya!'—Sec. Vince Dizon

MAKI-BALITA: Curlee Discaya, kaladkad; 2 saksi, binuking umano'y pagbili ni Romualdez ng property sa Makati

Mc Vincent Mirabuna/Balita