Tahasang sinabi ng kampo ni dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na ang pagsuko nito ay hindi nangangahulugang guilty ang dating mambabatas sa mga kasong isinampa laban sa kaniya, kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Sa isang panayam kasama ang media nitong Miyerkules, Enero 21, sinabi ng tagapagsalita ni Revilla na si Atty. Francesca Señga na ang pagsuko ng dating senador ay tanda ng kaniyang kagustuhan na harapin ang mga ibinibintang dito.
“Hindi niya tinalikuran ito, and nag-surrender siya upang harapin ang mga paratang laban sa kaniya,” saad ni Señga.
Giit pa niya, “In fact, si former senator Ramon ‘Bong’ Revilla is actually eager for the judicial process to proceed. Bakit? Kasi, so that the alleged evidence against him or the lack of it would finally judicially scrutinized.”
Matatandaang sumuko si Revilla noong Lunes, Enero 19 sa Sandiganbayan, kasunod ng inilabas nitong warrant of arrest at hold departure order laban sa kaniya—dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa isang maanomalyang flood control project sa Bulacan.
Saad ng dating senador, pakiramdam niya ay wala raw due process kaugnay sa proseso ng kaniyang kaso.
"Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito,” saad ni Revilla.
MAKI-BALITA: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'-Balita
Buwelta naman ng Palasyo, normal daw na maramdaman ito ni Revilla, sapagkat siya ay isang akusado.
“Pero in general, ‘yan po talaga ang magiging opinyon at damdamin ng isang naaakusahan; at ‘yan po rin ang kaniyang magiging depensa para po mapakita sa taumbayan na siya ay walang kinalaman. So, it’s just normal for an accused,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa isinagawang press briefing ng PCO noong Martes, Enero 20.
MAKI-BALITA: Palasyo, nag-react sa sinabi ni Revilla na walang due process pag-aresto sa kaniya-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA