January 26, 2026

Home BALITA National

'Mga Pilipino, 'di kilala tunay na pagkatao ni VP Sara Duterte!'—Trillanes

'Mga Pilipino, 'di kilala tunay na pagkatao ni VP Sara Duterte!'—Trillanes
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Iginiit sa publiko ni dating Sen. Antonio "Sonny" Trillanes IV na tila hindi raw kilala ng maraming Pilipino ang tunay na pagkatao ni Vice President Sara Duterte kaya umano ito nananatiling popular sa madla. 

Ayon kay Trillanes, matapos nilang magsampa ng reklamong plunder at graft laban kay VP Sara nitong Miyerkules, Enero 21, sinabi niyang hindi nakikilala ng taumbayan ang umano’y pagkatao ni VP Sara dahil na ring palagi raw binabaha ng fake news at mga trolls ang social media patungkol dito. 

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, civil society group kinasuhan ng plunder, graft si VP Sara

“Ang primary reason kung bakit popular pa rin siya  ay dahil hindi kilalang lubusan ng mga Pilipino ‘yong tunay na pagkatao ni Sara Duterte,” pagsisimula niya. 

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Dagdag pa niya, “Dahil talagang binabaha nila ng fake news at mga trolls nila ‘yong social media na naging pangunahing source ng impormasyon ng mga kababayan natin.” 

Ani Trillanes, isang paraan daw ang ginawa nilang pagsasampa ng mga nasabing kaso laban kay VP Sara para mamulat ang mga Pilipino. 

“Isang paraan ito na para ma-exposed ‘yong iba’t ibang insidente ng pangungurakot at iba pang anomalya na ginawa ni Sara. Hopefully, mamulat sila,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Trillanes, ipagpapatuloy raw nila ang pagmumulat sa maraming Pilipino laban sa Bise Presidente. 

“Idagdag ko lang na kahit relatively more popular siya but compared noong unang walang ganitong lumabas na mga anomalya ay ‘di hamak na bumaba na rin ang kaniyang mga numero,” saad niya. 

Pagdidiin pa niya, “Ibig sabihin noon, talagang maraming namumulat at ipagpapatuloy namin pagmumulat sa mga kababayan natin.” 

Ayon pa kay Trillanes, solido at hindi raw biro ang mga ebidensyang ibinigay nila kaugnay sa pagsasampa ng kaso laban kay VP Sara hindi umano kagaya ng mga meme lang sa social media na binabato laban sa kanila. 

“Hindi ito biro na alegasyon lang. [Kapag] nag-file ka ng complaint, ibig sabihin noon, solid ‘yong mga ebidensyang ibinibigay mo. hindi lang gagawa ka ng isang meme sa social media [at] mag-aakusa kagaya noong ginagawa nila sa amin. Ito, kaso talaga at sana, ‘yon na nga, marami nang mamulat muli,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: Trillanes, civil society group kinasuhan ng plunder, graft si VP Sara

MAKI-BALITA: Duterte vs everybody? Gen. Torre, SILG Remulla, atbp., tatakbo bilang Pangulo sa 2028—Trillanes

Mc Vincent Mirabuna/Balita