Nakarekober ang Cebu City Police Office (CCPO) ng 154 na cellphones mula sa isang cellphone repair shop sa Cebu City na pinaniniwalaang mga nakaw, kabilang ang ilang nawala noong Sinulog Festival.
Ayon sa pulisya, apat na complainant ang lumapit sa kanila matapos mawala ang kanilang mga cellphone habang ginaganap ang pista.
Sa pamamagitan ng “find me” feature ng mga gadget, natunton ng mga awtoridad ang lokasyon ng mga ito sa isang cellphone repair shop sa Leon Kilat Street na nagbebenta rin ng secondhand gadgets, ayon kay Cebu City police chief Col. George Ylanan.
Nadiskubre ng mga pulis ang apat na backpack na puno ng mga smartphone na nakatago sa ikalawang palapag ng tindahan. Kabilang sa mga narekober ang mga cellphone ng apat na complainant.
Inaresto ng pulisya ang isang indibidwal na pinaniniwalaang may-ari ng tindahan dahil sa paglabag sa Anti-Fencing Law o muling pagbebenta ng mga nakaw na gamit.
Dagdag ni Ylanan, posibleng ninakaw ang mga cellphone mismo noong Sinulog Festival at ilang araw bago ang selebrasyon.
Ilang indibidwal na rin ang nagtungo sa Cebu City Police Office upang tingnan at i-claim ang kanilang mga nawawalang cellphone.
“Here in Cebu City, it is not just up to blotter. We will find, we are doing intensive follow-up operations,” ayon kay Ylanan.