January 25, 2026

Home BALITA National

'Kung bribe, wag na!' Zaldy Co, gusto na raw makipag-dialogue sa gov't—SILG Remulla

'Kung bribe, wag na!' Zaldy Co, gusto na raw makipag-dialogue sa gov't—SILG Remulla
Photo courtesy: Screenshot from Zaldy Co (FB)/via MB

Inilahad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla nitong Miyerkules, Enero 21, na may nakarating na impormasyon sa kaniya na nagpapahiwatig na umano’y bukas si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa pakikipag-usap sa gobyerno.

Ayon sa panayam kay Remulla, ipinaabot umano ni Co ang mensahe sa pamamagitan ng ilang paring kakilala nito na nagsilbing tagapamagitan patungo sa Office of the Ombudsman.

Gayunman, nilinaw niyang hindi pa kumpirmado ang naturang impormasyon.

"Meron na siyang feelers na through sa mga ibang pari na kilala niya… parang nagpapa-connect na gusto ng dialogue sa amin. Pero of course, that’s not verified. Parang nagsabi pa lang. Sinabi ng sinabi ng kaibigan na pinaparating. We take them seriously. ‘Yong gustong makipag-dialogue, kakausapin namin ‘yan."

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

Pero hirit pa ng DILG chief, "Pero kung bribe, 'wag na!"

Kinumpirma rin ng kalihim na kasalukuyang nasa Portugal si Co at may hawak na Portuguese passport.

Ipinaliwanag ni Remulla na may umiiral noon na golden visa program sa Portugal kung saan maaaring makakuha ng residency at kalaunan ay pagkamamamayan ang isang dayuhan sa pamamagitan ng malaking pamumuhunan, tulad ng pagbili ng ari-arian.

Ayon pa kay Remulla, bagama’t walang extradition treaty ang Pilipinas at Portugal, may iba pang legal na mekanismo upang maaresto si Co sa nasabing bansa, ngunit hindi na niya idinetalye ang mga ito.

Matatandaang naging usap-usapan si Co matapos ang naging pasabog niya sa umano'y insertions nina Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa national budget noong 2025, sa pamamagitan ng video statements na naka-post sa social media.

Noong Nobyembre 2025, ibinuking mismo ni PBBM ang umano'y pagtatangka raw ng abogado ni Co na i-blackmail ang pamahalaan tungkol sa kanselasyon ng kaniyang passport.

"Nilapitan po kami ng abogado ni Zaldy Co, at nagtatangkang mamblackmail, na kung hindi po namin kakanselahin daw ang passport niya, hindi na raw siya maglalabas ng video. I do not negotiate with criminals," aniya sa video.

Iginiit pa ito ng Pangulo sa caption ng post.

"At malinaw ang aking posisyon, hindi ako nakikipag-negosasyon sa kriminal. Kahit anong video ang ilabas ni Zaldy Co, makakansela pa rin ang passport niya. Walang makakatakas sa hustisya."

"Tuloy ang trabaho. Tuloy ang paglilinis. Para sa pera ng bayan, para sa taong bayan," aniya.

Kaugnay na Balita: 'Di ako nakikipagnegosasyon sa kriminal!' PBBM binuking si Zaldy Co, namblackmail?