January 24, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Kanino ako kakampi?' Willie Revillame, parang nanalo na rin kahit natalo sa eleksyon

'Kanino ako kakampi?' Willie Revillame, parang nanalo na rin kahit natalo sa eleksyon
Photo courtesy: via MB

Nagbukas ng saloobin niya ang "Wilyonaryo" host na si Willie Revillame hinggil sa pagkatalo bilang senatorial candidate sa nagdaang national and midterm elections noong 2025.

Sa media conference na isinagawa para sa muli niyang pagbabalik sa telebisyon, nitong Martes, Enero 20, sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ni Willie ang kaniyang damdamin tungkol sa pagkatalo.

Para kay Willie, mas mabuti na raw ang nangyari kaysa sa nanalo siya at hindi raw niya alam ang gagawin, sasamahan, at kakampihan.

Maaaring ang binabanggit ng TV host ay ang kasalukuyang nagaganap na sigalot sa pagitan ng mga maka-PBBM at maka-Duterte.

Tsika at Intriga

'Di nila gets ang pressure!' Mikee Quintos, inungkat 'pabigat' issue sa group work noong college

Kaya feeling ni Willie, parang nanalo na rin siya kahit natalo siya.

"Siguro hindi talaga 'yon para sa akin," aniya.

"Actually 'yong pagkatalo ko, para sa akin nanalo pa ko, eh."

"Isipin n’yo kung nandoon ako ngayon paano, anong gagawin ko? Kanino ako sasama, kanino ako kakampi? So, for me ang politika hindi dapat politika, eh, public servant ka dapat," paliwanag ni Willie.

"Tumakbo ako para magserbisyo sa bayan, sa mga tao. Hindi ako tumakbo para kampihan ko sila. Kung nasa Senado ako, tapos kakampihan ko ang partidong ito tapos galit sa akin 'yong kabila, napakahirap. Kung tatakbo ako, para sa mga mahihirap na Pilipino para makagawa ng batas."

Nabanggit pa ni Willie ang tungkol sa na-bash na panayam niya sa isang programa sa "One News" kung saan nasabi niyang wala pa siyang alam na batas na gagawin niya kung sakaling manalong senador.

Kaugnay na Balita: Willie, wala pa raw plano: 'Pag nanalo na 'ko, doon ko na lang iisipin!'

"Alam n’yo 'yong ininterview ako, sinabi kong wala akong alam, totoo naman, eh. Bakit? Gusto kong malaman 'yong mga nagawang batas. Kasi napakarami nang ginawang batas ng magagaling na senador, ano pa ba 'yong mga hindi nagagawa? Magdadagdag pa ba ako ng batas?" aniya.

Kaugnay na Balita: 'Batas para sa mahirap' ipapanukala ni Willie Revillame 'pag naging senador

Para daw sa kaniya, may mas mga importante pang bagay na dapat ibigay sa mga Pilipino.

Samantala, sinabi naman ni Willie na hindi magpe-premiere ang Wilyonaryo sa TV5, taliwas sa mga naunang kumalat na impormasyon tungkol dito; bagama't nakikipag-ugnayan na raw siya sa Cignal para magkaroon siya ng Channel 10.

Kaugnay na Balita: Willie Revillame, naglunsad ng sariling TV channel

Mapapanood daw ang Wilyonaryo sa kanilang sariling social media platforms at sariling website.