Ibinahagi sa publiko ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na sinimulan na raw nila ngayong linggo ang pagsusuot ng body camera o bodycam ng mga fire inspector sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang maiwasan na ang kaso ng pangingikil ng ilan nitong mga tauhan.
Ayon kay Remulla nitong Miyerkules, Enero 21, sinabi niyang wala pa raw silang natatanggap na reklamo sa loob ng apat (4) na araw kaugnay sa mga nangingikil na fire inspectors magmula nang ma-launch nila ang bodycam sa BFP.
“This week ni-launch namin 'yong bodycams for the fire inspectors,” pagsisimula niya, “So in the last 4 days wala pa kaming complaints na nakukuha tungkol sa nangingikil na mga fire inspectors.”
Hinikayat din ni Remulla ang publiko na agad umanong itawag sa kanilang hotline na 911 kung mayroon man silang maka-engkwentro ng nangingikil na fire inspectors.
“Kung meron man, please call 911 kung meron nangha-harass na mga inspectors kasi naka-bodycam na sila,” aniya.
Ani pa Remulla, unang beses daw sa kasaysayan ng BFP na magkaroon sila ng bodycam.
“For the first time in history, wala na harassment sa mga negosyo,” ‘ika pa niya.
Sa estima umano ni Remulla, aabot daw sa halagang ₱15 bilyon ang naging pangingikil ng ilang fire inspectors sa pamamagitan ng pagdodoble ng presyo ng mga fire extinguisher na binenta ng ilang tauhan ng BFP sa mga nagbabayad ng permit na mga negosyante noong nakaraang taon.
“Estimate ko, in one year, ₱15 billion ang raket sa BFP. Everything from recruitment to purchasing to fire inspections… mga ₱15 billion,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Dati, marami. Siguro ten [times] a day to zero.”
Pagbibida pa ni Remulla, tila masaya raw siya na gumagamit na ng makabagong teknolohiya ang BFP upang maiwasan at malabanan ang korapsyon.
“So, very happy we use technology against corruption,” pagtatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita