January 23, 2026

Home BALITA National

'Eto na yun?' Diokno nag-react sa pagsuko, pagpipiyansa ni Revilla

'Eto na yun?' Diokno nag-react sa pagsuko, pagpipiyansa ni Revilla
Photo courtesy: Chel Diokno/FB, Ramon Bong Revilla, Jr./FB


Hindi napigilang magkomento ni Akbayan Party-list Rep. Atty. Chel Diokno hinggil sa ginawang pagsuko ni dating senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. at ang pagpipiyansa nito sa isa niyang kaso kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Noong Lunes, Enero 19, napaulat na sumuko ang dating mambabatas sa Sandiganbayan, kaugnay sa inihaing kaso laban sa kaniya patungkol sa isang “ghost” flood control project sa Bulacan.

MAKI-BALITA: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'-Balita

Nang sumunod naman na araw, Martes, Enero 20, naglagak ng ₱90,000 piyansa si Revilla kaugnay sa “graft case” na inihain sa kaniya. Gayunman, hindi pinahintulutang makauwi ang dating senador sapagkat walang piyansa ang kasong “malversation,” na inihain din laban sa kaniya.

MAKI-BALITA: Revilla nagpiyansa sa graft case, kulong pa rin dahil sa malversation case-Balita

“Eto na yun? Siya lang uli? At 90k lang ang piyansa?” pagkuwestiyon ni Diokno sa kaniyang social media post noong Martes, Enero 20.

Hiling pa niya, “Huwag sanang maulit ang nangyari noon na inabot ng pitong taon bago naresolba ang kaso.”

Giit pa ng kongresista, dapat na madaliin ang mga ganitong uri ng kaso, sapagkat naghihintay ang sambayanan sa magiging resulta. Aniya pa, dapat daw na managot ang mga tunay na “big fish” sa isyu ng flood control.

“Dapat pabilisin ng Korte ang mga kasong ng katiwalian: hanggang tatlong taon lang dapat ang paglilitis, at dalawang taon sa apela,” anang kongresista.

“Naghihintay ang taumbayan. Panagutin ang mga tunay na big fish sa maanomalyang flood control projects!” pagtatapos niya.

Sa usaping “big fish” hinggil sa katiwalian at flood control scam, itinanggi naman ng Palasyo na ang pagsuko ni Revilla ay ang simula ng pagpapanagot sa mga umano’y “big fish” ng mga nabanggit na isyu.

“Hindi po siya simula, halos nasa gitna na nga po siguro tayo, e. Dahil tandaan po natin bago magpasko, marami na po ang nagkaroon ng warrant of arrest—marami nang naisyung warrant of arrest,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO noong Martes, Enero 20.

MAKI-BALITA: Castro, itinangging pagsuko ni Revilla ang simula ng pagpapanagot sa mga big fish: ‘Halos nasa gitna na nga!’-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA