Ginisang pechay at kanin daw ang naging dinner ni dating senador Bong Revilla sa kaniyang unang gabi sa New Quezon City Jail, noong Martes, Enero 20.
Ayon sa mga ulat, wala raw special treatment para sa dating senador na nahaharap sa graft at malversation of public funds case matapos masangkot sa maanomalyang flood control projects, partikular sa lalawigan ng Bulacan.
Maki-Balita: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'-Balita
Isa si Revilla sa mga mambabatas na lumutang ang pangalan na umano'y nakinabang sa nabanggit na maanomalyang proyekto. Noong Martes, ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pagdala kay Revilla sa nabanggit na piitan sa Quezon City.
Batay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), walang "VIP" o special treatment para kay Revilla dahil kung ano raw ang kakainin ng mga ordinaryong preso, gayundin ang kakainin niya; kung ano raw ang trato sa iba, iyon din ang tratong matatanggap ng dating senador.
Ipinakita rin nila ang mgaiging selda ng dating senador, na paliwanag naman ng spokesperson na si JSupt. Jayrex Bustinera, bagong gawang pasilidad kaya naman mukhang malawak at malinis.
Aniya pa, hindi raw pinagawa ang nabanggit na selda para sa mga nasangkot sa flood control scandal. Makakasama ni Revilla ang iba pang mga preso na aabot sa higit 3,000, mula sa Quezon City.
Saad pa ng spokesperson, may apat na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang makakasama pa ni Revilla sa loob ng nabanggit na selda.
Sila raw ay may tig-iisang double deck na higaan.
Maki-Balita: Revilla nagpiyansa sa graft case, kulong pa rin dahil sa malversation case