Binigyang-diin ng Malacañang ang mandato ni presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos kaugnay sa inihaing impeachment complaint laban sa kaniyang amang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Enero 20, kinumpirma ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na wala pa siyang impormasyon kung nakapag-usap na ba ang mag-ama hinggil dito.
“Hindi po nabanggit sa atin kung sila’y nakapag-usap na, but lagi naman pong utos ng Pangulo sa kaniyang anak [na] gawin lang ang kaniyang trabaho,” saad ni Castro.
Giit pa niya, “Hindi puwede rito ang kamag-anak, kaalyado. Kung ano po ang mandato ni Congressman Sandro, ipatupad niya po ‘yon. Wala dapat siyang kinikilingan, kahit ama niya po ang masasabing malalagay dito sa impeachment complaint.”
Matatandaang natanggap ni PBBM ang kauna-unahan niyang impeachment complaint kamakailan matapos siyang hainan nito ni House Deputy Minority Leader Pusong Pinoy Party-List Rep. Jett Nisay, sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Andre De Jesus.
MAKI-BALITA: Solon, naghain ng impeachment complaint vs PBBM sa Kamara!-Balita
Sagot naman ng Palasyo, tinatanggap nila ang naturang impeachment complaint, at nirerespeto nila ang mga prosesong nakapaloob dito.
“The Palace recognizes that the filing of complaints is part of the democratic process provided for under our Constitution. We respect this process and trust that Congress, as a co-equal branch of government, will discharge its duties with honesty, integrity, and fidelity to the rule of law,” saad ng PCO.
MAKI-BALITA: ‘We respect the process!' Palasyo tanggap, impeachment laban kay PBBM-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA