Ibinahagi ng human rights advocate-lawyer na si Atty. Dino de Leon ang ilang mga kuhang larawan mula sa reunion ng mga dating kasapi ng senatorial slate ni dating vice president at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo sa presidential elections noong 2022.
Sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Enero 19, binigyang-diin ni de Leon ang aniya'y tunay na diwa ng pagkakaisa ay nananatiling buo sa kabila ng paglipas ng panahon.
Tinawag ang pagtitipon bilang “Tropang Angat Reunion,” kung saan nagkaroon umano ng pagkakataon ang grupo na magkumustahan at pag-usapan ang mga susunod na hakbang hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa kinabukasan ng bansa.
Tila nagpasaring pa ang abogado sa tunay na kahulugan daw ng "unity."
"Ang tunay na unity, hindi nabubuwag!" aniya.
Kabilang sa mga dumalo at nabanggit sa post sina Sen. Risa Hontiveros, Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima, Akbayan party-list Rep. Chel Diokno, dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV, Sonny Matula, Erin Tañada, Teddy Baguilat, Alex Lacson, at Atty. Fhilip Sawali.
Ayon kay de Leon, nananatiling buhay ang kanilang paninindigan laban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Hindi naman nabanggit sa post ang mga espesipikong paksa at isyung pinag-usapan nila.
Sa hiwalay pang Facebook post, ibinahagi rin niya ang isang video mula sa nasabing pagtitipon kung saan sabay-sabay na maririnig ang sigaw ng grupo na “Ikulong na ’yan, mga kurakot!”—isang pahayag na muling nagpahayag ng kanilang patuloy na panawagan para sa pananagutan at mabuting pamamahala.