Binuweltahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang negosyante at kontratistang si Curlee Discaya kaugnay sa umano’y sinabi nitong tila sila pa raw ang ninakawan sa restitution process o pagbabalik ng umano’y perang nakulimat nila sa maanomalyang flood control projects.
“Parang ang ibig sabihin, parang modern day na pagnanakaw. Ibig sabihin, ‘yong nakaw ba, siya pa ang magbibigay ng pera doon sa ninakawan niya? Parang ganoon po,” saad ni Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, Enero 19, 2026.
MAKI-BALITA: Marcoleta, Fadullon nagkasagutan dahil sa restitution ni Discaya para sa WPP
Ayon naman sa naging pahayag ni Dizon sa pagtestigo niya bilang witness laban sa mga opisyal ng DPWH-MIMAROPA sa Sandiganbayan nitong Martes, Enero 20, sinabi niyang dapat daw na humingi ng pasensya sina Discaya dahil sa umano’y ninakaw nilang pera sa taumbayan.
“Dapat naman mag-sorry sila, ninakaw nila ‘yong pera ng tao, e,” pagsisimula niya.
Direktang nasabi pa ni Dizon na tila makapal daw ang mukha ni Discaya dahil sa naging pahayag nito tungkol sa restitution process.
“Tapos narinig ko pa, sinabi daw niya parang sila pa raw nanakawan. Medyo makapal din naman talaga ang mukha nitong si Curlee Discaya,” buwelta niya.
Ani Dizon, malakas daw ang loob ni Discaya na sabihin iyon kahit na nakita na umano nila ang mga ebidensya laban sa kaniya.
“Kitang-kita namin lahat ang ebidensya laban sa kanila tapos ang lakas pa ng loob niyang magsabi sila ang ninakawan,” diin niya.
Payo pa ni Dizon, tila mas maganda raw na harapin na lang ng mag-asawang Discaya ang mga kasong kinakaharap nila at magbalik ng pera sa mga awtoridad.
“Siguro humarap na lang sila doon sa mga kaso nila. ‘Yong asawa niya, nakakulong na. Harapan na lang nila ‘yong mga kaso tapos ibalik na rin ‘yong pera ng mga kababayan natin,” pagtatapos niya.
MAKI-BALITA: Marcoleta, Fadullon nagkasagutan dahil sa restitution ni Discaya para sa WPP
MAKI-BALITA: Curlee Discaya, kaladkad; 2 saksi, binuking umano'y pagbili ni Romualdez ng property sa Makati
Mc Vincent Mirabuna/Balita