Tila nagpasaring si Sen. Imee Marcos na isa na naman daw serye na posibleng tumagal ng isang taon ang tungkol sa paghahain ng impeachment complaint laban sa kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
KAUGNAY NA BALITA: Solon, naghain ng impeachment complaint vs PBBM sa Kamara!
Ayon sa isinagawang press conference ni Imee sa Senado nitong Martes, Enero 20, sinabi niyang kilala raw ng publiko ang nagsampa ng kaso laban kay PBBM at alam ng marami ang umano’y background nito.
“Isa na namang drama series na mukhang tatagal ng isang taon,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kilala naman natin [kung] sino nag-file at anong background kaya ‘yun nga, baka drama series lang ito para sa isang taon [na] tagal.”
Ani Imee, hindi raw niya nabasa masyado ang mga grounds na idiniin laban kay PBBM dahil natatawa raw siya.
“Hindi ko nabasang maigi kasi natatawa ako sa itsura. Wala, masyadong obvious na drama series. Marami tayong napanood na na pelikulang ganoon, e. Bumenta na ‘yon sa takilya,” aniya.
Nabanggit din ni Imee na kasabay ito ng napipintong pagbubukas muli ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na ang due date ay sa Pebrero 6, 2026.
“Tapos may impeachment complaint din kay VP ulit, ano, February 6 ang due date,” saad niya.
“Kung lulusot ‘yan, senator judge kami pareho ni Sen. Marcoleta pero hindi na ako magkokomento tungkol sa ikalawang impeachment complaint na inaasahan tutol kay VP Sara,” pagbabahagi pa niya.
“Pero sa palagay ko, alam na ng Kongreso ang nangyari noong nakaraang eleksyon,” pagtatapos ng senador.
Matatandaang naghain ng kauna-unahang impeachment complaint laban kay PBBM si House Deputy Minority Leader Pusong Pinoy Party-List Rep. Jett Nisay sa pamamagitan ng abogado niyang si Atty. Andre De Jesus noong Lunes, Enero 19, 2026.
MAKI-BALITA: Solon, naghain ng impeachment complaint vs PBBM sa Kamara!
Ayon sa paliwanag ni Nisay, sinabi niyang may kaugnayan ang naturang impeachment sa paglipat ng ₱60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa national treasury.
Ani naman De Jesus, isa sa mga dahilan nila ang naging paghuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Court (ICC) kahit na may sariling Korte umano ang bansa.
Dagdag pa niya, ma kaugnayan din umano sa impeachment complaint ang kabiguan ng Pangulong sa pag-veto ng unprogrammed funds sa General Appropriations Act (GAA) ng national budget para sa 2026 at tungkol sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Bukod pa rito, pinuntirya rin ng abogado ang umano’y usap-usapan sa paggamit ng Pangulo sa ipinagbabawal na gamot.
MAKI-BALITA: ‘We respect the process!' Palasyo tanggap, impeachment laban kay PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita