January 24, 2026

Home BALITA National

Revilla nagpiyansa sa graft case, kulong pa rin dahil sa malversation case

Revilla nagpiyansa sa graft case, kulong pa rin dahil sa malversation case
Photo courtesy: via MB

Naglagak ng ₱90,000 piyansa si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. nitong Martes, Enero 20, kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kaniya, na may kinalaman pa rin sa ₱92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.

Batay sa mga ulat, tinanggap ng Sandiganbayan 4th Division ang piyansa niya patungkol sa graft case, na maituturing namang bailable, alinsunod sa batas.

Gayunman, hindi pa rin pinahihintulutang makauwi si Revilla matapos maglabas ng kautusan ang Sandiganbayan Special 3rd Division na ilagay siya sa pansamantalang kustodiya sa New Quezon City Male Dormitory Jail sa Payatas.

Batay naman ito sa kasong malversation na kinakaharap ng dating senador, na may kaugnayan pa rin sa parehong proyektong ipinagkaloob sa isang kontratista noong Marso 2025.

National

Zaldy Co, kailangan munang umuwi ng bansa kung nais tumestigo vs PBBM—Rep. Luistro

Matatandaang naglabas ng arrest warrant ang korte laban kay Revilla noong Lunes, Enero 19, subalit minabuti niyang kusang sumuko sa mga awtoridad.

Kaugnay na Balita: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'

Batay naman sa batas, kumpara sa graft, hindi maaaring piyansahan ang kasong malversation, dahilan upang manatili si Revilla sa kulungan.

Upang makalaya pansamantala, kinakailangan pang magsumite ang kampo ng dating senador ng hiwalay na petisyon para sa piyansa sa Sandiganbayan 3rd Division para sa kasong ito; kaya naman, mananatili siyang nakakulong hanga't hindi naglalabas ng paborableng desisyon ang korte kaugnay ng naturang petisyon.

Samantala, nanawagan naman sa publiko at media ang anak ng dating senador, na si Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla, na hayaan daw ang justice system na humatol sa kaso at hindi dahil sa "trial by publicity."

"I therefore ask the public and the media to allow the justice system to work—without pressure, noise, or premature conclusions," aniya.

Sa huli, nagpasalamat ang pamilya Revilla sa patuloy na panalangin at malasakit ng mga taong nananatiling naniniwala sa isang patas at makatarungang paglilitis. Ayon pa sa kongresista, buo ang kanilang paniniwala na sa tamang panahon, ang katotohanan ang siyang mananaig.

Kaugnay na Balita: 'Allow the justice system to work!' Jolo Revilla umapela sa publiko, media para sa ama