Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi raw nila pipigilan o pagbabawalan ang sinomang opisyal nila na nagnanais tumestigo at tumugon sa panawagan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa madugong war on drugs noon.
KAUGNAY NA BALITA: ICC, nananawagan sa mga biktima pa ng war on drugs na lumapit sa kanila
Ayon sa naging pahayag ni Chief of the Public Information Office (PIO) at PNP Spokesperson na si PBGEN Randulf T. Tuaño sa Camp Crame noong Lunes, Enero 19, sinabi niyang panawagan pa lang naman daw ang ginawang aksyon ng ICC para sa mga opisyal ng PNP.
“‘Yong kanilang panawagan ay panawagan lamang at wala pa pong opisyal na summons na natanggap. At ito pong kanilang panawagan ay isang invitation lamang to cooperate voluntarily,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Meaning hinihiling po nila sa miyembro ng PNP,NBI, at PDEA ay boluntaryong magbigay po ng testify doon sa ICC. Kaugnay po nito, nabanggit po natin na ‘yong ICC statements is not about them, it is voluntary… of cooperation.”
Ani Tuaño, hindi raw pagbabawalan o pipigilan ng PNP ang mga opisyal nila na nagnanais na tumestigo sa ICC.
“Ang opisyal na statement of ng Philippine National Police, number one… ang Philippines National Police [ay] hindi po pinipigilan, pinagbabawalan ‘yong mga miyembro na gusto at nais mag-testify sa panawagan ng International Criminal Court,” aniya.
Pagpapatuloy ni Tuaño, may personal legal decision naman daw ang bawat pulis kung mapagdedesisyunan nilang tumestigo sa nasabing hukuman.
“Pangalawa, sinasabihan po natin ang ating PNP personnel na ang cooperation is personal legal decision. Kung nais po nila na mag-testify o makipag-cooperate, sinasabi po natin na na ito ay kanilang personal legal decision,” saad niya.
Ayon pa kay Tuaño, nirerespeto ng PNP ang due process at legal advice dahilan para hindi nila pigilan ang sinomang magnanais na pumunta sa ICC.
“Panghuli po, sinasabi po natin, the PNP respect due process and legal advice. Meaning, kinikilala po ng Philippine National Police ang sinomang miyembro nito na nais magpunta sa ICC at mag-testify base sa panawagan ng International Criminal Court,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: ICC, nananawagan sa mga biktima pa ng war on drugs na lumapit sa kanila
Mc Vincent Mirabuna/Balita