January 23, 2026

Home BALITA National

Palasyo, nag-react sa sinabi ni Revilla na walang due process pag-aresto sa kaniya

Palasyo, nag-react sa sinabi ni Revilla na walang due process pag-aresto sa kaniya
Photo courtesy: RTVM/YT, Ramon Bong Revilla/FB


Sinagot ng Malacañang ang pahayag ni dating senador Ramon Bong Revilla kaugnay sa kaniyang pagsuko matapos kasuhan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan, kasama ang anim na iba pa, ng graft and malversation dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa maanomalyang flood control projects.

Sabi kasi ni Revilla, tila walang due process pagdating sa “developments” ng kasong inihain laban sa kaniya.

"Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito,” saad ni Revilla.

MAKI-BALITA: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'-Balita

"Hindi po ako spokesperson ni dating sena[d]or Bong Revilla. Kung ano man po ang kaniyang nararamdaman ay igagalang po natin,” sagot ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Martes, Enero 20.

“Pero in general, ‘yan po talaga ang magiging opinyon at damdamin ng isang naaakusahan; at ‘yan po rin ang kaniyang magiging depensa para po mapakita sa taumbayan na siya ay walang kinalaman. So, it’s just normal for an accused,” aniya pa.

Sa parehong press briefing, itinanggi naman ni Castro na ang pagsuko ni ex-Sen. Bong Revilla ang umano’y simula ng pagpapanagot sa mga anila’y “big fish” hinggil sa maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Hindi po siya simula, halos nasa gitna na nga po siguro tayo, e. Dahil tandaan po natin bago magpasko, marami na po ang nagkaroon ng warrant of arrest—marami nang naisyung warrant of arrest,” saad ni Castro.

MAKI-BALITA: Castro, itinangging pagsuko ni Revilla ang simula ng pagpapanagot sa mga big fish: ‘Halos nasa gitna na nga!’-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA