Tinalbugan ng DJ na si Nicole Hyala ang maugong na “2026 is the new 2016” trend ngayon, matapos niyang balikan ang kaniyang “pakikibaka” sa EDSA Dos na ginanap 25 taon na ang nakalipas.
Kalakip ang isang news video na inere sa “TV Patrol” noong Enero 17, 2001, ibinahagi ni DJ Nicole—Emmylou Gaite-Tiñana sa totong buhay—sa isang social media post noong Lunes, Enero 19, na hindi niya na maalala ang mga kaganapan sa nasabing pangyayari.
“Look what resurfaced! Hahahaha! I don't remember this interview at all. Sabagay, almusal ko nga kanina, limot ko na e. Hahahaha!” saad ni DJ Nicole.
“Anyway, kung ang trend ay 2016 throwback, ten years back, let me share mine from 25 years ago, 2001. Student Council President of Assumption, standing with and leading the Assumption community in EDSA. Then it dawned on me: Noon pa man, palaban na. Noon pa man, may calling to serve. Noon pa man, lumalaban na. Noon pa man, hindi na talaga ako Disney princess. Haha! Noon pa man, cut to be a warrior talaga,” dagdag pa niya.
Giit pa ng DJ, may mga bagay raw talagang hindi nagbabago, mula noon hanggang ngayon.
“Some things never change. Mula noon, hanggang ngayon, lagi na lang ako nakikibaka, ipinaglalaban lahat ng dapat ipaglaban -- Pilipinas, lovelife, pamilya, kalusugan, Love Radio. Kahit mahirap at takot, I show up and fight,” aniya.
“Apakatapang naman nung mga panahon na yan, kala mo may kilay. Hahahaha!” pagtatapos niya.
Matatandaang ikinasa ang ikalawang EDSA People Power Revolution noong Enero 16, 2001 hanggang Enero 20, 2001—sa layuning patalsikin sa puwesto si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada dahil sa “plunder charges” na nakahain laban sa kaniya.
Bunsod nito, humalili sa pagkapresidente si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), na siyang bise presidente sa administrasyon ni Erap.
Vincent Gutierrez/BALITA