January 24, 2026

Home BALITA National

Castro kay Elago matapos sabihing palabas lang ang ICI: 'Ano ang ebidensya niya?'

Castro kay Elago matapos sabihing palabas lang ang ICI: 'Ano ang ebidensya niya?'
Photo courtesy: RTVM/YT, Gabriela Women's Party/FB


Binuweltahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang isang komentong nagsasabi na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay isa lamang daw “palabas.”

Kaugnay ito sa isinapublikong  joint statement nina Gabriela Women's Party Rep. Sarah Jane Elago, kasama sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Kabataan Rep. Atty. Renee Louise Co.

“Mula sa simula, palabas lang ang ICI. Hanggang sa dulo, palabas pa rin. This commission was never meant to genuinely investigate the massive corruption in infrastructure projects—it was designed to create the illusion of accountability while protecting those truly responsible for plundering billions of pesos from the Filipino people,” anila.

MAKI-BALITA: ‘ICI, mula simula hanggang wakas, puro lang palabas!’—Makabayan bloc-Balita

“Ang sinasabi niya ay palabas ang ICI, palabas lamang ang ICI para mapagtakpan ang mga kaalyado. Unang-una po, hingian natin siya ng ebidensya patungkol dito. Hindi po ba siya ang nagbibintang? Hindi po ba siya ang dapat na hingian natin ng ebidensya? Ano ang ebidensya niya para masabi ang pagbibintang na ito?” panimula ni Castro sa press briefing ng PCO nitong Martes, Enero 20.

Saad pa niya, “Tandaan po natin, ayoko mang banggitin pero ang kasama ng Pangulo sa alyansa ay walang iba kundi ang dating senador Bong Revilla—at si [dating] sena[d]or Bong Revilla ay sumuko po, ginalang ang proseso, iginalang ang warrant of arrest, iginalang ang korte.”

“Papaano po masasabing palabas lamang ang ICI? Ang ICI, ang mga miyembro po nito ay nagtatrabaho. Malamang ay hindi na halos nakakatulog at that time dahil puno at overwhelmed sila sa mga dokumento at mga ebidensyang natatanggap nila,” dagdag pa niya.

Nagpahayag din ng kalungkutan ang press officer kaugnay sa mga taong hindi man lang daw makita ang aniya’y kagandahang ginagawa ng pamahalaan.

“Nakakalungkot na may mga ganitong klaseng tao na hindi nakikita ang kagandahang ginagawa ng gobyerno. Ang nakikita lamang nila ay puro negatibo. Gumagawa ng kuwento, nag-iimbento ng mga walang saysayna istorya para masiraan lang ang gobyerno,” anang press officer.

“Hindi po ito para mag-cover up ninuman dahil ang Pangulo, sinabi na makailang beses, uulit-ulitin ko po: Walang sinasanto—kaalyado, kamag-anak, kaibigan—kung kinakailangang maimbestigahan, imbestigahan. ‘Yan po ang utos ng Pangulo,” pagtatapos niya.

Nag-ugat ang mga pahayag na ito matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “coming towards the end” na raw ang naturang komisyon.

“They really are coming towards the end—lahat ng kailangang imbestigahan, naimbestigahan na nila. Maybe there are one or two other loose ends that they have to clear up," saad ng Pangulo sa pagpunta niya sa Aglipay Sewage Treatment Plant (STP) sa Mandaluyong City noong Biyernes, Enero 16.

KAUGNAY NA BALITA: De Lima sinagot pahayag ni PBBM sa umano'y pagtatapos ng ICI: 'Talaga ba?'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA