January 24, 2026

Home BALITA National

Castro, itinangging pagsuko ni Revilla ang simula ng pagpapanagot sa mga big fish: ‘Halos nasa gitna na nga!’

Castro, itinangging pagsuko ni Revilla ang simula ng pagpapanagot sa mga big fish: ‘Halos nasa gitna na nga!’
Photo courtesy: RTVM/YT, Ramon Bong Revilla/FB


Hindi naniniwala si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na ang pagsuko ni dating senador Bong Revilla ang simula ng pagpapanagot sa mga anila’y “big fish” hinggil sa maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa press briefing ng PCO nitong Martes, Enero 20, sinabi ni Castro na marami na ngang mga sangkot sa anomalya ang naisyuhan na ng warrant of arrest bago pa man sumapit ang Kapaskuhan.

“Hindi po siya simula, halos nasa gitna na nga po siguro tayo, e. Dahil tandaan po natin bago magpasko, marami na po ang nagkaroon ng warrant of arrest—marami nang naisyung warrant of arrest,” saad ni Castro.

Nabanggit din ng press officer ang pagkakaaresto sa kontratistang si Sarah Discaya.

“Isa rito, hindi lang siguro tinuturing ng iba na “big fish” ang Discaya. Sila po ay naaresto. Si Sarah Discaya ay napaaresto, napakulong bago magpasko. So, hindi po ito ‘yong initial na pagpapanagot sa mga sinasabing big fish,” aniya pa.

Matatandaang kamakailan kasi, binabalik-balikan ang naging pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa mga sangkot sa flood control mess at katiwalian. Aniya, makukulong daw ang mga ito bago magpasko.

“Alam ko, bago magpasko, marami dito sa napangalanan dito ay palagay ko, matatapos na 'yong kaso nila, buo na 'yong kaso nila, makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas, before Christmas makukulong na sila,” saad ni PBBM sa kaniyang presidential report kamakailan.

MAKI-BALITA: 'Wala silang Merry Christmas!' Mga sangkot sa flood control scam, tapos na maliligayang araw—PBBM-Balita

Nito lamang din Lunes, Enero 19, napaulat ang pagsuko ni ex-Sen. Bong Revilla matapos siyang kasuhan ng graft at malversation ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan, kasama ang anim na iba pa, kaugnay sa kanilang pagkakasangkot sa umano’y maanomalyang flood control project sa Pandi, Bulacan.

"Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest. Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito,” saad ni Revilla.

MAKI-BALITA: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA