January 24, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Makasaysayang EDSA Dos na nagpatalsik kay Erap sa Palasyo

#BALITAnaw: Makasaysayang EDSA Dos na nagpatalsik kay Erap sa Palasyo
Photo courtesy: The Kahimyang Project (website)

“Erap Resign!” Ito ang sigaw ng mga Pilipino 25 taon ang nakararaan sa rebolusyong tinaguriang “EDSA Dos.” 

Naging layon ng rebolusyon na ito na patalsikin si dating pangulong Joseph “Erap” Estrada sa Malacañang matapos malaman ng taumbayan na hindi naging matagumpay ang impeachment laban dito. 

Nagtagal ang protesta mula Enero 17 hanggang Enero 20, 2001. 

ADMINISTRASYONG ESTRADA

BALITAnaw

#BALITAnaw: Makasaysayang pagbisita ni Lolo Kiko sa Pilipinas

Si Estrada ay naihalal na pangulo ng bansa noong Mayo 1998, kung saan, 40% ang naging lamang niya 11 pang kandidato sa pagkapangulo dahil sa kaniyang hatak sa masa. 

Base sa mga ulat sa kasaysayan, sa pag-upo ni Estrada bilang pangulo, ilan sa mga kontrobersiya na kinasangkutan niya ang tax evasion, pagkuha ng porsyento sa ransom money na ibinayad sa grupong Abu Sayyaf kapalit ang kalayaan ng kanilang mga hostage, money laundering, sugal, at korapsyon.

Kaya noong Disyembre 2000, si Estrada ay nilitis para sa impeachment dahil sa embezzlement ng pera mula sa kaban ng bayan at umano’y pagtanggap ng mga kickback mula sa illegal na mga sugal. 

Ang nasabing impeachment trial ay napanood sa telebisyon, mula sa senado. 

Ayon pa sa mga ulat, sa kasagsagan ng paglilitis, ang mga impeachment judge na nag-imbestiga sa kaso ng dating pangulo ay nakatanggap ng mga banta sa buhay nila, gayundin ang mga nagpahayag na saksi, na naging dulot para umalis sila ng bansa.

Sa pag-usad pa ng paglilitis, naihayag din ang mga tagong bank accounts sa ilalim ng mga alyas na itinuturong ginamit ni Estrada. 

Ilan dito ay ang pagsiwalat ng mga akusasyon na pagtatago ng $63.5 million sa pitong magkakaibang bank accounts sa kasagsagan ng kaniyang termino at ₱ 5 milyong inihatid sa palasyo para ipambili raw ng mansyong nagkakahalaga ng $1.7 milyon sa ilalim ng alyas na “Jose Velarde.”

EDSA DOS

Enero 2001, naiulat na ipinresenta ang isang brown envelope sa paglilitis, gayunpaman, hindi ito binuksan dahil sa “grounds of immateriality.”

Ayon sa kasaysayan, ang aktong ito ay lumabas na supresyon ng katotohanan at posibleng pagsasawalang-kaso kay Estrada, para sa mga taga-usig, kaya nag-walk out ang mga ito sa korte.

Sa unang araw ng EDSA Dos noong Enero 17, dinagsa ng tinatayang 100,000 katao ang kahabaan ng EDSA, habang ang petsa ng pagtutuloy ng paglilits ay hindi pa sigurado. 

Sa ikalawang araw ng EDSA Dos noong Enero 18, naiulat na bumuo ng “Human Chain” ang mga nagpo-protesta mula sa EDSA Shrine sa Ortigas Avenue hanggang sa Ayala Avenue sa Makati City, para hayagang ipakita ang kagustuhan nilang magbaba sa pagkapangulo si Estrada. 

Sa araw rin na ito, naiulat na nakiisa rin sa panawagan ang ilan pang personalidad, maging ang mga dating katrabaho at kaibigan mula sa industriya ng showbiz. 

Sa ikatlong araw, noong Enero 19, sumali na rin ang ilang high ranking military at police officials sa protesta para ipanawagan ang pagbaba ni Estrada.

Ang pag-alis ng suporta ng militar at kapulisan ay isa sa mga naging hudyat para unti-unting mabuwag ang administrasyong Estrada. 

Kasama rin sa araw na ito ang pagsuporta ng ilang gabinete at opisyal ng pamahalaan sa protesta. 

Alas-5 ng hapon, lumabas sa telebisyon si Estrada para sabihin sa taumbayan na hindi siya magbibitiw, bagkus ay ipagpapatuloy ay paglilitis sa kaniyang impeachment. 

Pagdating ng 6:00 ng hapon, ibinaba ni Estrada ang panukalang snap elections sa parating na eleksyon sa May congressional at local elections, ipinangako niya ritong hindi na siya tatakbo muli sa pagka-pangulo.

Ang nasabing suhestiyon ng dating pangulo ay mariing tinanggihan ng taumbayan, at ayon pa sa mga ito, kapag hindi bumaba si Estrada hanggang alas-6 ng umaga kinabukasan, susugod sila sa Malacañang para pilitin siyang bumaba sa puwesto. 

Sa huling araw ng EDSA Dos noong Enero 20, naiulat na nanatili pa rin si Estrada sa puwesto, kaya may mga demonstrador nang nagmartsa sa Palasyo. 

Kaya sa kabila ng pananatili ni Estrada sa Palasyo, pinirmahan ng Korte Suprema ang resolusyon na nagdedeklarang bakante ang posisyon sa pagkapangulo. 

Ang desisyon na ito ay nagbigay-daan para mailuklok sa pagpakangulo ang noo’y bise-pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Kaya saktong 12:00 ng tanghali, nanumpa si Arroyo bilang pangulo sa harap ng libo-libong tao sa EDSA, kung saan siya rin ay naghatid ng kaniyang talumpati. 

Sean Antonio/BALITA