January 26, 2026

Home BALITA Probinsya

50-anyos na volunteer responder sa Binaliw landfill, nasawi dahil sa sepsis

50-anyos na volunteer responder sa Binaliw landfill, nasawi dahil sa sepsis
Photo courtesy: BFP R7 Cebu City FS (FB)

Namatay ang isang 50-anyos na volunteer responder na kasama sa search, rescue, and retrieval operations sa pagguho ng Binaliw landfill, Cebu City dahil sa sakit na sepsis, kamakailan. 

Ayon sa mga ulat, ang volunteer ay tumulong sa naging operasyon mula Enero 10 hanggang 13. 

Binanggit din ng anak ng volunteer kay Cebu City Councilor Dave Tumulak na nagkaroon ng mga paltos sa paa ang ama mula sa suot nitong bota habang isinasagawa ang nabanggit na operasyon. 

Nang isugod ang ama sa ospital dahil sa pagsama ng pakiramdam, nakaranas ito ng septic shock mula sa mga nasabing paltos, na naging dulot ng pagkamatay nito. 

Probinsya

Public school teacher, arestado sa drug buy-bust operation!

Ayon pa sa mga ulat, ang volunteer responder ay may mga komplikasyon din mula sa Type 2 diabetes.

Nagpaabot naman ng pakikiramay sa pamilya ng volunteer ang Bureau of Fire Protection - Cebu City. 

“We honor the sacrifice and service of our fallen volunteer responder. Our deepest sympathies go out to his family and loved ones,” mensahe ng BFP.

Ayon pa sa BFP, bagama’t tapos na ang search, rescue, at retrieval operations, nagpapatuloy ang koordinasyon sa ground units at mga ahensya bilang parte ng kanilang post-assessments at site monitoring. 

Matatandaan na umabot sa 36 na katawan ang narekober ng mga awtoridad mula sa Binaliw landfill noong Linggo, Enero 18. 

MAKI-BALITA: ‘All accounted:’ Huling biktima sa Binaliw landslide, nahanap na!

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang sepsis ay ang extreme at life-threatening response ng katawan mula sa impeksyon. 

Ang impeksyon na nauuwi sa sepsis ay kadalasang nagsisimula sa gastrointestinal tract, baga, balat, o urinary tract.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng sepsis sa katawan, posible itong magdulot ng pagkasira ng mga laman, organ failure, o kamatayan. 

Sean Antonio/BALITA