Ligtas na at kasalukuyan nang nagpapagaling sa isang ospital sa Pasig City ang isang 23-anyos na tindera mula sa lalawigan ng Rizal matapos siyang barilin nang malapitan sa kaniyang ulo habang naka-livestream kamakailan.
Sa opisyal na pahayag na ibinahagi ng Taytay Police Station noong Linggo, Enero 18, kinumpirma rin nilang naaresto na ang umano’y suspek noong Sabado, Enero 17, na siyang nakasumbrero at nakasuot ng facemask noong ginawa nito ang krimen.
“[N]oong Enero 17, 2026 ng umaga, kaagad na inaresto ng Taytay PNP ang 31-anyos na suspek sa Angono, Rizal,” panimula ng awtoridad.
Saad pa nila, “Napag-alaman ng pulisya na ang suspek ay dating kinakasama ng may-ari ng tindahan kung saan nagtatrabaho ang biktima. Ang di pagkakaunawaan ng suspek at kanyang kinakasama na nauwi sa hiwalayan ay di umano’y mula sa mga pagsusumbong ng biktima kaugnay sa mga nakakarelasyon pang iba ng suspek.”
“Dahil sa hiwalayan, ang nasabing tindahan ay pinamahalaan ng babaeng may-ari na kung saan ang nasabing biktima ay tinuring niyang anak-anakan at isang tindera ng tindahan, na naging sanhi ng inggit ng suspek at naging dahilan ng nasabing krimen,” dagdag pa nila.
Ayon pa sa kanilang pahayag, ang suspek ay kasalukuyan nang nakapiit sa custodial facility ng Taytay Police Station—habang inihahanda ang kasong “frustrated murder,” na posible niyang harapin matapos gawin ang krimen.
Gayumpaman, pilit na itinatanggi ng suspek na siya ang gumawa ng krimen; dahil may testigo raw siyang magpapatunay na siya ay nasa Angono, Rizal noong mangyari ang insidente.
Nagpaalala naman ang awtoridad sa publiko na kung sakali raw na maging biktima o maging saksi ng parehong insidente, siguraduhin daw na matatandaan ang mahahalagang deskripsyon o pagkakakilanlan ng suspek tulad ng suot nitong damit, taas, pigura, o kahit ang detalye ng sasakyang gamit nito.
Vincent Gutierrez/BALITA